Kelot na dumalo sa birthday party utas sa kadyot

16 Views

PATAY ang isang lalaki na dumalo lang sa ika-18 kaarawan ng isang dalaga matapos pagsasaksakin ng dalawang binatilyo na kaibigan ng celebrator sa Quezon City noong Martes.

Arestado ang mga suspek na edad 17 at 18, ayon sa report.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang alas-2:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Brgy. Apolonio Samson, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Lorenz Mappala, pagkatapos ng party, sinundan ng mga suspek ang 27-anyos na biktima at sa hindi malamang dahilan biglang sinuntok.

Nang bumagsak ang biktima nilapitan pa ito ng mga suspek at paulit-ulit na sinaksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Pagkatapos kaswal na naglakad ang mga suspek at bumalik sa bahay ng celebrator.

Isinugod naman ang biktima ng mga kapatid at kaibigan sa Quezon City General Hospital subalit idineklaramg dead-on- arrival ni Dr. Danielle Sabrina Lim, ang attending physician.

Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa dalawang binatilyo na hindi nagbigay ng detalye sa nangyaring krimen.