Kelot na nagpasikat ng boga sa Undas kinasuhan

Edd Reyes Nov 3, 2024
59 Views

KINASUHAN na ng pulis ang lalaking nahuling nagwawasiwas ng baril sa sementeryo noong Nov. 1 na nagdulot ng takot sa mga dumadalaw sa puntod ng kanilang mahal sa buhay sa Pasay City.

Paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) at Article 155 ng Revised Penal Code (Alarm and Scandal) ang isinampa ng mga tauhan ni Pasay City Police Chief P/Col. Samuel Pabonita laban sa 25-anyos na si alyas Kalbo sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Alas-9:00 ng gabi nang makarating sa pulisya ang sumbong sa ginagawang paglalakad sa loob ng Sgt. Mariano Cemetery ni alyas Kalbo habang may hawak na baril.

Nagresponde ang mga tauhan ng Station Intelligence Section (SIS) ng Pasay police at inabutan pa nila ang suspek na palakad-lakad habang may hawak na baril.

Tinangka pang tumakas ni Kalbo nang matunugan ang papalapit na mga pulis pero napaligiran na siya kaya isinuko ang kalibre .45 pistol na may tatlong bala.