Kelot nakitang lumulutang sa palaisdaan

Bernard Galang Aug 27, 2025
249 Views

NATAGPUAN ng isang magsasaka noong Martes ang isang katawan ng lalaki na nakalutang sa isang palaisdaan sa Sitio Bacao, Bgy Salumague, Paniqui, Tarlac.

Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., kinilala ng Tarlac police ang nasawi na alias Moises, 65, ng Paniqui, Tarlac.

Sa inisyal na pagsisiyasat, ang magsasaka na si Hubert Rodriguez, 23, ng Bgy Salumague, Paniqui, ay nagtungo sa bukid sa tabi ng palaisdaan upang tingnan ang kanyang baka.

Doon ay nakita niya ang bangkay ng biktima na nakalutang sa palaisdaan at pinaniniwalaang nalunod ito.

Isang residente rin ang nakita sa lugar ng insidente ang isang balde na may laman na isda, isang palayok na may kanin, isang asul na belt bag at isang jacket na umano ay pag-aari ng biktima.

Ang bangkay ay kinuha mula sa palaisdaan at ayon sa pulisya, walang palatandaan na may foul play sa pagkamatay ng biktima.