Calendar
Kelot tiklo sa paghataw sa ulo ng jowa
INARESTO ng mga operatiba ng Quezon City Police District ang lalaking pinalo sa ulo ang kanyang live-in partner dahil sa P100.
Nakakulong na sa QCPD Police Station 14 ang 31-anyos na suspek matapos ireklamo ng 25-anyos na biktima.
Ayon kay PLt. Col. Jerry Gamboa, chief ng QCPD Police Station 14, nangyari ang insidente pasado alas-7:00 ng gabi noong Lunes sa bahay ng mag live-in partner sa Brgy. Holy Spirit.
Kadarating lang umano ng biktima galing sa trabaho nang tumambad sa kaniya ang gamit nilang mag-ina na nasa basurahan.
Doon na nagsimula ang sumbatan ng mag live-in na nauwi sa pambubugbog ng suspek sa biktima.
Hindi pa umano nakuntento ang suspek sa pananakit sa biktima at kinuha pa nito ang isang kahoy at pinukpok sa ulo ng biktima.
Nabalitaan umano ng biktima na ibinili ng suspek ng droga ang P100 na natitirang pera nilang dalawa.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Violence Against Women and Children Act of 2004 ang suspek.

