Holdaper

Kelot timbog sa panghoholdap sa 2 empleyado ng tobacco firm

114 Views

NASAKOTE ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang lalaki na umano’y nangholdap sa dalawang empleyado ng isang tobacco company sa Quezon City.

Kinilala ni QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio ang suspek sa alyas na “Chilito,” 44, residente ng Brgy. Commonwealth, Batasan Hills.

Ayon sa pulisya, naaresto ang suspek sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Kamuning Police Station (PS-10) sa pangunguna ni PLtCol. Zachary Cappellan.

Sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-1:30 ng hapon noong Marso 3, 2026 sa New Orleans St., Brgy. Pinagkaisahan. Naghihintay umano noon ang dalawang empleyado ng kanilang company driver sa tabi ng kanilang Isuzu aluminum van nang lapitan sila ng suspek.

Bigla umanong bumunot ng baril ang lalaki, nagdeklara ng holdap at puwersahang tinangay ang tinatayang P200,000 cash na koleksyon mula sa benta ng mga biktima bago mabilis na tumakas.

Agad nagsagawa ng backward at forward tracking ang mga pulis gamit ang CCTV footage kung saan namataan ang suspek na sakay ng motorsiklo. Natunton ang ruta nito hanggang sa NEPA Q-Mart sa Brgy. E. Rodriguez, kung saan tuluyang nadakip.

Nasamsam mula sa suspek ang isang Honda Vario motorcycle, isang .45 caliber toy gun (replica), isang hand grenade, at iba pang ebidensya.

Sa beripikasyon ng pulisya, lumabas na may nauna nang kaso ang suspek na paglabag sa Article 293 (Robbery) ng Revised Penal Code at R.A. 10591 noong Agosto 26, 2025.

Kasalukuyang nahaharap ang suspek sa mga kasong Robbery (Hold-up), paglabag sa R.A. 11235 (Motorcycle Crime Prevention Act), R.A. 10591, at R.A. 9516 (Illegal Possession and Use of Explosives) na isinampa sa Quezon City Prosecutor’s Office.