Calendar
Source: BFP NCR Pasay City
Nakaratay na ama, 80, binalikan ng anak sa nasusunog na bahay, parehong patay


TEPOK ang 80-anyos na ama at anak niyang babae habang isa ang sugatan sa sunog na naganap Huwebes ng hapon sa Pasay City.
Binalikan para iligtas ng 37-anyos na babae ang kanyang ama na nakaratay na sa higaan subalit kapuwa hindi na nakalabas sa nasusunog nilang tirahan bunga ng mabilis na pagkalat ng apoy sa dikit-dikit na bahay na karamihan ay gawa sa light materials.
Sa pahayag ni Bureau of Fire Protection-Pasay City Fire Marshal Supt. Alma Cassandra Gardose, nagsimula ang sunog dakong alas-5:56 ng hapon sa P. Villanueva St. sa likuran ng Park Avenue, Brgy. 85 na kaagad itinaas sa ikalawang alarma alas-6:13 ng gabi.
Nasugatan naman sa kaliwang braso si alyas “Alex” habang tumutulong sa pag-apula ng apoy, habang hinayang na hinayang si alyas “Obet” sa kanyang alagang asong chihuahua na aniya ay nakalabas na subalit hindi na niya nahabol nang bumalik sa loob ng bahay nang makita ang maraming tao.
Nakontrol naman ng mga tauhan ng BFP at fire volunteers ang apoy alas-7:18 hanggang tuluyang maapula alas-7:58 ng gabi.
Umabot sa 46 na pamilya o 122 indibiduwal ang apektado ng sunog na pansamantalang nanunuluyan sa Jose Rizal Elementary School at kaagad pinadalhan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ng relief goods, hygiene kits, at mga pangunahing pangangailangan.
Sinabi ng alkalde na bibigyan din ng tulong pinansiyal ang mga nasunugan at ililipat din sila ng lugar na pansamantalang matutuluyan dahil kinakailangan na nilang lisanin ang paaralan sa loob ng tatlong araw bunga ng nakatakdang pagsasagawa rito ng recognition at graduation ceremony.

