Calendar
Kelot tinigok pusa ng kapitbahay, dinampot
INARESTO ng mga operatiba ng Quezon City Police District ang isang lalaki na humataw sa ulo ng alagang pusa ng kaniyang kapitbahay sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Kinilala ang suspek na si alyas “Virgilio,” 53, residente ng Brgy. Holy Spirit.
Ayon sa ulat, bandang 5:23 AM noong Marso 16, natagpuang patay ang alagang pusa sa harap ng gate ng biktima.
Nang i-review ang CCTV ay nakita ang suspek na pinalo ng kahoy ang ulo ng pusa, dahilan ng agarang pagkamatay nito.
Agad na nireport ang insidente sa Holy Spirit Police Station 14, pinamumunuan ni PLTCOL Jefry Gamboa.
Ayon kay Randy Glenn Silvio, District Director ng QCPD, kusang sumuko ang suspek bandang 1:00 PM at inaresto kaagad. Haharapin niya ngayon ang kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office para sa paglabag sa Republic Act No. 10631 o Animal Welfare Act of 1998.
“Hindi pinapayagan ng QCPD ang anumang kalupitan sa hayop. Ang sinumang mananakit sa hayop ay pananagutin. Hinihikayat namin ang mga mamamayan ng QC na i-report ang anumang kaso ng pang-aabuso sa hayop sa pinakamalapit na police station o tumawag sa E911/QC Helpline 122,” ani PBGen. Silvio.

