Holdaper

2 suspek sa serye ng holdapan sa QC huli

139 Views

ARESTADO ang dalawang hinihinalang tulak ng iligal na droga sa isang buy-bust operation sa Barangay Payatas, na diumano ay sangkot din sa serye ng holdapan sa Quezon City.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “John Paul,” 20, at “John Kenneth,” 22.

Ayon sa ulat, alas-6:30 ng gabi noong Marso 15 nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) sa isang bahay sa Leyte St., kanto ng Payatas Road. Isang pulis ang nagpanggap na buyer at nakabili ng halagang P300 na shabu mula kay “John Paul” bago sila tuluyang arestuhin.

Narekober sa mga suspek ang tinatayang 3 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P20,400, isang revolver, isang granada, at iba pang personal na gamit kabilang ang buy-bust money.

Sa imbestigasyon, lumutang na si “John Paul” ay dawit umano sa panghoholdap sa isang 7-Eleven sa Tandang Sora noong Marso 12, gayundin sa isa pang insidente sa harap ng Mightee Mart sa Regalado Avenue sa parehong araw.

Napag-alaman din na may mga nauna na siyang kaso ng robbery, illegal discharge of firearm, at theft mula 2023 hanggang 2026. Samantala, si “John Kenneth” ay may nauna ring paglabag sa batas kaugnay ng illegal drugs at jueteng.

Nahaharap ngayon ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, habang si “John Paul” ay may dagdag na kaso para sa illegal possession of firearms at explosives.

Ayon sa pamunuan ng QCPD, malaking hakbang ito upang mapigilan ang krimen sa lungsod at mapanagot ang mga sangkot sa ilegal na gawain.

Patuloy naman ang paalala ng pulisya sa publiko na makipagtulungan at agad ireport ang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.