Kagawad

Kagawad nag-table ng waitress, tigok sa saksak ng selosong waiter

Edd Reyes Mar 18, 2026
288 Views

TODAS ang 60-anyos na kagawad ng barangay nang tadtarin ng saksak ng selosong waiter araw ng Martes sa Caloocan City.

Namatay habang ginagamot sa Manila Central University (MCU) Hospital ang biktima na residente ng Brgy. 64 at kagawad ng Barangay164 sanhi ng mga tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Kasalukuyang tinutugis ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang tumakas na suspek na si alyas “Argie”, 32, waiter, ng isang KTV bar at residente ng Brgy. Potrero, Malabon City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Goforth na nadatnan ng suspek ang 29-anyos niyang live-in partner na si alyas “Lyn”, waitress sa Scarlet Disco Bar sa MacArthur Highway, Brgy. 78, habang naka-table sa biktima dakong alas-5:30 ng umaga.

Dahil umano sa selos, sinapak ng suspek ang live-in partner bago bumunot ng patalim at inundayan ng sunod sunod na saksak ang biktima.

Nakuha ng mga nagrespondeng tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 3 sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang patalim na ginamit ng suspek sa pamamaslang na may bahid pa ng dugo.