MRA

MRA shower rooms bukas na sa mga riders

Edd Reyes Mar 17, 2026
207 Views

BINUKSAN na sa mga siklista ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang libreng shower rooms sa Motorcycle Riding Academy (MRA) noong Martes sa Pasig City.

Pinangunahan nina MMDA Chairman Atty. Don Artes at General Manager Nicolas Torre III ang inagurasyon ng Bike-to-Work End-of-Trip (EoT) na may apat na shower rooms.

Isa sa mga paliguan ang para sa babae, isa sa lalaki at dalawa para sa mga “neutral genders.”

May mga mahahalaga ring pasilidad sa EoT tulad ng ligtas na paradahan ng bisikleta at lugar na pwedeng magpalit ng damit ang mga siklista bago sila magtungo sa kanilang trabaho.

Tiniyak ni Chairman Artes na maglalagay pa sila ng mga kahalintulad na pasilidad sa iba’t-ibang bahagi ng Metro Manila upang matulungan ang mga kababayang gumagamit ng bisikleta na makapag-shower at makapagpalit ng damit bago pumasok sa trabaho.

Ayon naman sa MMDA general manager, layunin ng pasilidad na protektahan ang kapakanan ng mga siklista.

Umaasa rin ang MMDA sa pagtutulungan ng ahensiya at pribadong sektor upang suportahan ang proyekto sa pamamagitan ng pagkakaloob ng subsidiya sa tubig at elektrisidad sa pasilidad.

Kasama rito ang pagbibigay suporta ng Republic Gas Corp. (Regasco) na nangakong magbibigay ng sabon, shampoos at 1,000 tuwalya para sa mga gagamit na siklista.