QCPD

QCPD kumilos; 228 crime suspek ‘winalis’

101 Views

AABOT sa 228 suspek sa iba’t-ibang krimen ang naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) mula Marso 8 hanggang 14, ayon sa report ni QCPD director P/BGen. Randy Glenn Silvio.

Nagsagawa ang QCPD ng 43 anti-illegal drug operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 56 na suspek na tulak at pagkakasamsam ng P630,352 na halaga ng ilegal na droga.

Samantala, 105 wanted persons ang nasakote.

Sa 9 anti-illegal firearms operations, 10 katao ang naaresto at 12 baril ang nakumpiska.

Nagsagawa rin ng 32 anti-illegal gambling operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 57 indibidwal at pagkakasamsam ng P22,819 bet money.

Kabilang sa mga naaresto ang lalaki na nagtago ng 24 taon kaugnay ng kasong reckless imprudence resulting in serious physical injuries at damage to property.

Nadakip din ang isa pang suspek sa kasong corruption of public officials, matapos ang limang taon na pagtatago.

Naipaalam na rin sa mga korte na naglabas ng warrant ang pagkakadakip sa mga nasabing wanted persons.

Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165), Illegal Gambling (PD 1602), at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591) na naisampa na sa Quezon City Prosecutor’s Office.

“Patuloy naming palalakasin ang presensya ng kapulisan sa ating komunidad upang matiyak ang mabilis, maayos at responsableng serbisyo publiko,” pahayag ni Silvio.