Sotto

Kikilos ang Senado kinabukasan pag Articles of Impeachment dumating — Sotto

30 Views

SINABI ni Senate President Vicente C. Sotto III na kikilos ang Senado “forthwith,” o kinabukasan, sakaling iakyat ng Mababang Kapulungan ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, ngunit nilinaw na wala pang opisyal na iskedyul dahil haka-haka pa ang usapin hangga’t wala pang naipapadala sa Senado.

Ayon kay Sotto, tinalakay ng mga senador ang posibleng paghahanda, timetable, budget, venue, security arrangements, at iba pang pangangailangan sakaling umabot sa Senado ang articles of impeachment.

“As of now, everything is speculative,” sabi ni Sotto sa mga mamamahayag, kasabay ng paliwanag na ang susunod na hakbang ng Senado ay nakadepende sa magiging aksyon ng Mababang Kapulungan.

Sinabi niya na kailangang maging handa ang Senado dahil nakatutok ang publiko sa impeachment process at inaasahang gagampanan ng mga senador ang kanilang tungkulin kapag natanggap na ang articles of impeachment.

“We have to do our job, we have to be impartial,” ani Sotto, kasabay ng dagdag na hindi dapat mag-iba ang pagtingin ng mga senador sa proseso dahil sa pagkakakilanlan ng opisyal na sangkot.

Nang tanungin kung paano niya binibigyang-kahulugan ang requirement na kumilos “forthwith,” sinabi ni Sotto: “Sa akin ang forthwith, the following day.”

Ayon kay Sotto, kailangang naka-session ang Senado para matanggap ang articles of impeachment, ngunit ipinaliwanag niya na ang impeachment court ay hiwalay sa Senado bilang legislative body at maaaring magpatuloy kahit naka-break ang Kongreso.

“Siyempre kasi may break eh. The Senate, the legislative body will be on break by June 5, so that will be both Houses of Congress. But then again, the impeachment court is different from the Senate,” sabi niya.

Sinabi ni Sotto na pagpapasyahan lamang ang aktuwal na timetable kapag natanggap na ng Senado ang articles of impeachment.

“As soon as we receive it, then that’s the time we will officially decide on what to do with the timing,” sabi ni Sotto. “Definitely there’s one thing for sure, once we receive it we will convene as an impeachment court if we do receive it.”

Ayon kay Sotto, kabilang sa posibleng paghahanda ang venue, pagkain, seguridad, livestreaming arrangements, public access, at iba pang administrative needs. Sinabi niya na tutulong ang Senate Committee on Accounts upang matiyak na maayos ang mga pangangailangan.

Tiniyak din niya na magiging bukas sa publiko ang anumang impeachment proceeding.

“Yes, of course, livestream, public, open sa public,” sabi ni Sotto.

Dagdag ni Sotto, may miyembro ng minority na dumalo sa caucus at inatasang iparating sa iba pang minority senators ang napag-usapan. Magsasagawa rin aniya ng panibagong caucus kung ipapadala ng Mababang Kapulungan ang articles of impeachment.