Senado Kuha ni JOSEPH MUEGO

Kiko pinuri ang SB19 sa Senado sa pagtanghal sa Lollapalooza

206 Views

INISPONSOR ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan nitong Lunes ang Senate Resolution No. 573, na bumabati at pumupuri sa P-pop group na SB19 sa kanilang pagtatanghal sa Lollapalooza Chicago 2026.

“I rise today with a deep sense of pride, honor, and gratitude to sponsor Senate Resolution No. 573, congratulating and commending SB19 for their historic performance at Lollapalooza Chicago 2026,” ani Pangilinan sa plenaryo.

Naihain ang resolusyon noong Agosto 4, ayon sa mga ulat.

“Buong-buo rin ang suporta natin sa iba pang mga resolusyong nagbibigay-pugay kina Pablo, Josh, Stell, Ken, at Justin,” dagdag niya.

Kabilang dito ang Senate Resolution No. 545 ni Sen. Bam Aquino, na naihain noong Hulyo 31. Nakasaad sa resolusyon ni Aquino na ang SB19 ang unang Filipino group na tumanghal sa Lollapalooza, noong Hulyo 30 sa Grant Park sa Chicago.

“They represented Filipinos here and around the world. They carried Filipino music, movement, language, and excellence with confidence, passion, and heart,” ani Pangilinan.

Binanggit niya na nag-preview ang grupo sa festival ng kanilang rendition ng “Mga Kababayan” ng yumaong si Francis “Kiko” Magalona, na tinawag niyang tukayo.

“Ipinaalala nila sa atin na ang musikang Pilipino, hindi lang simpleng entertainment. Ang musikang Pilipino, alaala, identity, at panawagang magkaisa,” wika niya.

Bilang magulang, iba raw ang dating sa kanya ng awiting “MAPA.” Naririnig daw niya rito ang kahandaan ng kabataan na akuin ang responsibilidad, kilalanin ang mga nauna sa kanila, at ipagpatuloy ang kanilang pagmamahal, sakripisyo at pag-asa.

Kinilala rin ni Pangilinan ang pagtulong ng grupo sa Philippine General Hospital noong pandemya at sa mga pamilyang tinamaan ng Bagyong Kristine. Ibinahagi rin daw ng SB19 ang kanilang mga parangal at honoraria sa Autism Society Philippines, House of Refuge Foundation, Leukemic Indigents Fund Endowment at P.G.H. Medical Foundation.

Ikinumpara pa niya ang grupo sa ube, na aniya’y “unmistakably Filipino, deeply rooted,” at kinagigiliwan na sa buong mundo.

Nagbahagi rin si Pangilinan ng personal na karanasan bilang asawa ng singer-actress na si Sharon Cuneta.

“On a personal note, Mr. President, I have been married to a performer, an artist, a singer for the last 30 years,” aniya.

“Iba ang sakripisyo, ang iniinda, ang dedikasyon, ang passion ng artist. And that’s why I thank SB19 for your passion, your sacrifice, and your hardwork and I know malayo pa ang inyong mararating,” dagdag niya.

Nagpasalamat din sa grupo si Sen. Risa Hontiveros, na nakipagkuha ng litrato sa SB19 sa Senado.

“Maraming salamat for showing that Filipino talent is truly worldclass! Mabuhay kayo!,” ani Hontiveros.

Ayon naman sa The Manila Times, sinabi ni Aquino na muling pinatunayan ng SB19 na kayang makipagsabayan ng talento at musikang Pilipino sa pandaigdigang entablado.