Creamline Hindi pa rin matinag ang KingWhale sa Premier Volleyball League Invitational Conference. PVL photo

KingWhale, Creamline magtutuos sa PVL

Theodore Jurado Aug 13, 2022
337 Views

IPINAGPATULOY ng Chinese-Taipei’s KingWhale, na pinaghahandaan ang inaabangang pagtutuos sa kampeonato sa Creamline, ang dominasyon laban sa mga Filipino clubs matapos pataubin ang Cignal, 25-18, 15-25, 25-21, 25-22, sa Premier Volleyball League Invitational Conference kagabi sa Filoil EcoOil Centre.

Karamihan ng mga starters ay naglaro ng limitadong minuto upang ipreserba ang lakas para sa finale ngayon, sumandal ang KingWhale sa mga batang manlalaro upang makumpleto ang four-match sweep ng semifinals.

Binigyan ng court time, nanguna si Germina Jacobs para sa Taiwanese club na may 19 points, kabilang ang dalawang service aces, habang umiskor sina Brazilian hitter Bea de Carvalho at Chang Chih-Hsuan ng tig-siyam na puntose.

Kumabig si Angeli Araneta para sa HD Spikers na may 15 points at 17 digs habang sina Jerrili Malabanan at Roselyn Doria ay may tig-13 points.

Nagtala si Cignal skipper Rachel Anne Daquis ng dalawang service aces at dalawang blocks upang tumapos na may siyam na puntos bago ipinahinga sa fourth set.

Tumapos ang HD Spikers, na hindi inasahan sina starters Ces Molina at Ria Meneses na may health issues, sa pang-apat sa semis na may 1-3 record.

Umaasa ang Creamline na makakalaro na sina main hitters Alyssa Valdez at Jema Galanza sa kanilang winner-take-all match kontra sa KingWhale para sa korona sa alas- 5:30 ng hapon ngayon sa Mall of Asia Arena.

Maghaharap ang PLDT at Cignal para sa bronze medal sa alas-3.