Calendar
Kinikilala ng Kamara ang pamumuno ni Gatchalian sa Senado — Ortega
KINILALA ng House of Representatives ang pamumuno ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian sa Senado at umaasang mareresolba ang panloob na alitan sa mataas na kapulungan nang hindi naaapektuhan ang impeachment trial ni Bise Presidente Sara Z. Duterte, ayon kay House Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union nitong Linggo.
Sa isang panayam sa programang Bantay Balita sa Kongreso ng dzBB kasama sina Nimfa Ravelo at Isa Avendaño-Umali, sinabi ni Ortega na naglabas na ng pahayag si Speaker Faustino “Bojie” Dy III na kumikilala at bumabati kay Gatchalian matapos siyang mahalal bilang Senate President Pro Tempore ng 12 senador noong Hunyo 3.
Idineklara ng Senado na bakante ang lahat ng posisyon sa pamunuan matapos makabuo ng quorum ang 12 senador, gamit ang desisyon ng Korte Suprema noong 1949 sa kasong Avelino v. Cuenco upang maiwasang maparalisa ang kapulungan dahil sa hindi pagdalo ng dating mayoryang grupo sa mga sesyon ng plenaryo sa loob ng tatlong magkakasunod na araw.
Binigyang-diin din ni Ortega na kinilala na rin ng ilang law school, mga institusyong legal, at iba pang kapantay na sangay ng pamahalaan ang bagong pamunuan ng Senado sa ilalim ni Gatchalian, kabilang ang Malacañang at ang Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Bukod sa pagkilala kay Gatchalian bilang gumaganap na Senate President, sinabi ng deputy speaker na natupad na ng Kamara ang tungkulin nito sa ilalim ng Konstitusyon kaugnay ng impeachment at naghihintay na lamang ito sa Senate impeachment court upang simulan ang paghahanda para sa paglilitis.
“Kami po kasi sa Kongreso, halos tapos na po. Natapos na namin ‘yung mga obligasyon namin, ‘yung trabaho namin ‘yung sa impeachment,” ani Ortega.
“Gusto namin talaga ma-resolve na nila ‘yung internal issues nila kasi yung malaking question mark noong 19th Congress pa saka nitong 20th Congress eh ‘yung trial po na maumpisahan na,” dagdag pa niya.
Ayon kay Ortega, umaasa ang Kamara na malulutas na sa lalong madaling panahon ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga tagasuporta ng napatalsik na Senate President Alan Peter Cayetano at ng kampo ni Gatchalian upang makapagpokus ang Senado sa mga tungkuling itinakda ng Konstitusyon, kabilang ang impeachment trial.
“So umaasa kami na magkakaroon na ng peaceful resolution ito. Sana sa mas lalong madaling panahon po na makapag-usap na sila,” aniya.
Nang tanungin kung maaaring makaapekto sa impeachment proceedings ang nagpapatuloy na sigalot sa pagitan ng mga kampo nina Gatchalian at Cayetano, inamin ni Ortega na posibleng magdulot ito ng pagkaantala, ngunit iginiit niyang nananatiling nakatuon ang mga mambabatas sa pansamantalang iskedyul ng paglilitis na itinakda sa Hulyo 6.
Binanggit din niya na mataas pa rin ang interes ng publiko sa impeachment trial, dahil marami ang naghihintay na magsimula na ito upang mabigyang-linaw ang mga alegasyon laban sa bise presidente, kabilang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds at iba pang mabibigat na paratang na nakasaad sa articles of impeachment.
“Nakatutok po talaga kami sa impeachment kasi pati constituents po namin—actually ‘yung sentiment survey nga namin dito sa locality—more than 86% nagtatanong kailan maguumpisa ang impeachment,” dagdag niya.
Ayon kay Ortega, hindi dapat maging sagabal ang mga alitang pampulitika sa loob ng Senado sa mas mahalagang usapin ng pananagutan o accountability.
“Syempre po, ‘pag magulo ang bahay, hindi po matututukan ‘yung mga importanteng bagay na kailangan maumpisahan, gaya po sabi ko nga pinakaimportante po diyan constitutional na obligasyon yang impeachment,” aniya.
Idinagdag niya na kapag nalutas na ang isyu sa pamunuan ng Senado, dapat nang ituloy ang impeachment trial upang mabigyan ng kasagutan ang publiko hinggil sa mga alegasyon laban sa bise presidente, mapatunayang nagkasala man siya o mapawalang-sala ng hindi bababa sa 16 senador.
“When the dust settles, ‘pag nawala na po lahat tong bangayan at nagkaintindihan na po sila o nagkausap o mayroon nang resolution, umpisahan na po natin tong impeachment na trial. Kasi kung ano pong resulta niyan, importante po na masagot ‘yung mga tanong ng taumbayan, mga hinahantay ng taumbayan,” sabi ni Ortega.
Bagama’t hindi direktang inakusahan ni Ortega ang sinuman na sadyang pinatatagal ang impeachment proceedings, inamin niyang ang mga kamakailang pangyayari sa Senado ay maaaring magmukhang panakip-tabing o distraksiyon sa mas mahahalagang usapin.
“Pag binabasa mo ‘yung sitwasyon, parang may cause of smokescreen, parang may cause of delay,” aniya.
“Pero hindi po pwedeng maging rason o kahit anong cause ng pagkaantala na hindi po matuloy ang impeachment,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Ortega na anuman ang magiging posisyon ng Bise Presidente o ng kanyang legal na koponan hinggil sa alitan sa pamunuan ng Senado, hindi ito dapat maging hadlang sa pagpapatuloy ng impeachment calendar.
“So kahit ano man ang opinyon ng Office of the Vice President o ng defense team nila, hindi po magiging hadlang iyon para ituloy ang calendar of impeachment,” aniya.
Ayon pa sa deputy speaker, ang desisyon ni Duterte na magsumite ng kanyang sagot sa articles of impeachment ay nagpapakita na kinikilala rin ng panig ng depensa na nagpapatuloy ang proseso ng impeachment.
“Ibig sabihin po, kinikilala din nila na magkakaroon talaga ng calendar at magkakaroon na po ng trial,” sabi ni Ortega.
Sa kasalukuyan, hindi pa pormal na natatapos ng Senado ang alitan sa pagitan ng mga kampo nina Cayetano at Gatchalian bago ito makapagpatuloy sa pagtalakay ng mga prayoridad na panukala, pagsasagawa ng mga pagdinig sa komite, at higit sa lahat, pagsisimula ng impeachment trial ng bise presidente.
Gayunman, dahil nag-adjourn na ang Kongreso sine die, lumalakas ang panawagan ng publiko kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na magpatawag ng espesyal na sesyon upang maiwasan ang pagkaantala sa pagpasa ng mahahalagang panukala at sa impeachment trial.

