FEU

Klase, trabaho sinuspinde sa FEU-Alabang dahil sa bomb threat

Edd Reyes Sep 24, 2026
126 Views

SINUSPINDE ng Far Eastern University (FEU)-Alabang ang klase sa senior high school at college at mga empleyado matapos makatanggap ng bomb threat noong Huwebes.

Natanggap ang pagbabanta dakong alas-10:07 ng umaga mula sa isang alyas Huey Kevin na ipinadala sa FB page na nagpapahayag na may bomba umanong nakalagay sa bag na iniwan sa school premise.

Humingi ng tulong sa mga pulisya sina alyas Kevin, 29; at Jun, 38, at rumesponde nina P/Maj. Velmor Deatras, P/Cpl.Mark Diloy at Pat. Leo Saman ng Alabang police Sub-station.

Alas-11:00 ng tanghali ng ianunsyo ng pamantasan ang pagsuspinde sa klase at trabaho bunga na rin ng tagubilin ng nagrespondeng awtoridad at security personnel.

Ginagalugad ng mga nagrespondeng tauhan ng Explosive Ordnance Unit (EOU) at iba pang kagawad ng Muntinlupa police ang bawat silid at pasilidad ng unibersidad hanggang sa isinusulat ang balitang ito.