Caloocan

‘Mag-manugang’ binaril habang pasakay ng jeep, dedo on the spot

Edd Reyes Sep 24, 2026
93 Views

PATAY ang 41-anyos na babae at menor-de-edad niyang manugang na pinagbabaril ng nag-iisang gunman sa Caloocan City noong Lunes.

Dead-on-the-spot ang mga biktimang sina alyas Gina at Binoy, 15, sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan habang ligtas ang 17-anyos na anak niyang babae at live-in partner ng binatilyo.

Sa ulat kay Northern Police District (NPD) director P/BGen. Benliner Capili, nag-aabang ng jeep dakong alas-7:40 ng gabi sa harapan ng Bankers Village II, Sapang Alat, Brgy. 181 nang mangyari ang insidente.

Ayon sa kinakasama ng binatilyo na si alyas Lyka, nauna siyang sumakay sa jeep nang sumulpot ang salarin na bumaril sa kanyang ina at kanyang live-in partner.

Blangko ang pulisya sa motibo ng pamamaslang habang bumuo na ng team si Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth na tututok sa pagdakip sa salarin.