Calendar
Komite pinapatawag si Ombudsman Remulla para sa mga SALN ni VP Sara
INATASAN ng House Committee on Justice si Ombudsman Jesus Crispin C. Remulla na humarap sa komite at magsumite ng mga opisyal na rekord ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Bise Presidente Sara Z. Duterte bilang bahagi ng nagpapatuloy na proseso ng impeachment.
Sa isang “subpoena testificandum et duces tecum,” inutusan ng komite si Remulla na dumalo sa pagdinig sa Abril 14, 2026, alas-10:00 ng umaga, sa House of Representatives sa Quezon City.
“Ikaw ay inaatasang humarap sa Committee on Justice sa Abril 14, 2026, alas-10:00 ng umaga, sa ikalawang palapag ng People Center, House of Representatives, at magsumite ng mga sumusunod na dokumento,” ayon sa subpoena na inilabas ng komite at natanggap ng Office of the Ombudsman.
Inaatasan sa subpoena ang pagsusumite ng “Certified True Copies ng Statement of Assets and Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Zimmerman Duterte para sa mga taong 2022–2025, 2007–2013, at 2016–2022.”
Ayon sa komite, hinihingi ang mga dokumento upang “maipaalam sa Committee ang mga idineklarang ari-arian, pananagutan, at netong yaman ni Vice President Sara Z. Duterte mula nang siya ay magsimula sa serbisyo publiko hanggang sa kasalukuyan.”
Ang kautusan ay inilabas kaugnay ng mga beripikadong reklamong impeachment na inihain ni Reverend Father Joel Saballa at iba pa, na inendorso ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila M. de Lima, gayundin ng hiwalay na reklamo ni Atty. Nathaniel G. Cabrera na inendorso nina Manila Rep. Bienvenido M. Abante Jr. at Deputy Speaker Paolo P. Ortega V ng La Union.
Ang subpoena ay inilabas noong Marso 31, 2026 at may pahintulot ni House Committee on Justice chairperson Gerville “Jinky Bitrics” R. Luistro ng Batangas at ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, na pinagtibay ni Secretary General Atty. Cheloy E. Velicaria-Garafil.

