Calendar
Manila Rep. Joel Chua
Mga pahayag ni Olaso di mapipigilan Kamara sa pagdinig sa impeachment vs VP Sara
SINABI ni Manila Rep. Joel Chua noong Lunes na ang mga mapanuyang pahayag at pabaya sa pananalita mula sa gilid ay hindi dapat makagambala sa House Committee on Justice sa pagtupad ng konstitusyonal nitong tungkulin na dinggin ang mga reklamong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Z. Duterte.
Binigyang-diin niya na ang panlilibak ay hindi kapalit ng katwiran at hindi sagot sa pananagutang itinakda ng Konstitusyon.
Si Chua, na miyembro ng Justice panel, ay sumuporta sa naunang pagsita ni San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora laban kay Zamboanga City Mayor Khymer Olaso, na binatikos matapos maliitin ang proseso ng impeachment—isang usaping may pambansang kahalagahan.
“Hindi naman ito huntahan sa plaza, o sagutan ng mga tsismoso sa kanto. This is an impeachment proceeding. Kung nais ni Mayor Olaso na batikusin ang proseso, dapat gawin niya ito gamit ang batas, katwiran at mga katotohanan—hindi sa paraang binababa ang antas ng diskurso at iniinsulto ang talino ng publiko,” ani Chua, na siya ring namumuno sa House Committee on Good Government and Public Accountability.
Ayon kay Chua, isang abogado, ang problema sa pahayag ni Olaso ay hindi lamang ang tono kundi ang pagtatangkang gawing parang palabas ang isang mekanismong konstitusyonal—na para bang maaaring balewalain ng Kamara ang mga reklamo kapag maayos na itong naihain at naipasa sa komiteng dapat dinggin ang mga ito.
“Ang House Committee on Justice ay hindi kumikilos ayon sa kapritso, at lalong hindi para sa aliwan. Isinasagawa namin ang isang tungkuling itinatakda ng Konstitusyon. Walang mayor, dating mambabatas, o sinumang may kinikilingan ang maaaring ipawalang-bisa ang tungkuling ito dahil lamang hindi sila komportable sa proseso,” diin niya.
Idinagdag pa niya na si Olaso, na minsan nang nagsilbi sa Kongreso, ay dapat higit na nakakaunawa na kayang pagsabayin ng Kamara ang paggawa ng batas at ang pagtupad sa mga konstitusyonal nitong tungkulin. Aniya, ang pagpapakita sa impeachment bilang isang walang saysay na abala ay maaaring bunga ng maling pag-unawa o sadyang maling paglalarawan sa gawain ng Kongreso.
“Kung dating mambabatas ka, mas dapat alam mo na hindi puwedeng bastusin ang proseso kapag Saligang Batas na ang pinag-uusapan. Hindi ito kalokohan. Ang kalokohan ay iyong minamaliit mo ang tungkulin ng Kongreso para lang makapuntos ka sa pulitika,” ani Chua.
Dagdag pa ni Chua, ang paggamit ng matitinding salita ay maaaring lumikha ng ingay online ngunit hindi nito tinutugunan ang mga tunay na isyung inilatag sa mga reklamong impeachment, lalo na’t inaasahang tutukuyin ng komite kung may sapat na batayan (probable cause) at ihahanda ang mga susunod na hakbang ayon sa Konstitusyon.
“Ang panunungkulan sa gobyerno ay nangangailangan ng disiplina sa pananalita, lalo na kung impeachment ang pinag-uusapan. Ang inihain ni Mayor Olaso ay hindi seryosong kritisismo—parang palabas lang, parang usapang showbiz. Mas karapat-dapat ang mga Pilipino sa mga opisyal na hindi pinagkakamalan ang panlilibak bilang argumento,” ani Chua.
Para kay Chua, ang pinakamainam na sagot ng komite sa mga pahayag ni Olaso ay hindi ang bumaba sa parehong antas ng retorika kundi ang ipagpatuloy ang trabaho nang may katatagan, kahinahunan, at pagsunod sa mga alituntunin—habang ipinapakita na ang Konstitusyon ay hindi natitinag ng yabang, insulto, o sigawan mula sa labas ng pagdinig.
“Mananatili kaming nakatuon sa ebidensiya, sa due process, at sa konstitusyonal na tungkulin sa aming harapan. Hindi kami malilihis ng mga patutsada mula sa gilid. Sa huli, ang mahalaga ay ang rekord, ang batas, at ang katotohanan,” ani Chua.
Pagkatapos nito, sinabi ni Chua na hindi na niya bibigyang-pansin pa ang mga pahayag ni Olaso, na aniya’y malinaw na pagtatangkang makakuha ng atensyon ng publiko. “Nakapagpapansin naman na si Mayor Olaso kaya sana ay naunawaan na niya ang konstitusyonal na mandato ng mga miyembro ng Kamara kung bakit dinidinig ang impeachment.”

