Villar

Kongresista iminungkahi kay PBBM masusing pag-aaral tungkol sa mental health ng mga mag-aaral

Mar Rodriguez Apr 18, 2023
239 Views

IMINUMUNGKAHI ng isang Metro Manila Lady solon kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang pagsasagawa ng pamahalaan ng isang malalim at komprehensibong pag-aaral patungkol sa “mental health” ng mga estudyante na pinalubha noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Kasabay nito, isinulong ni House Deputy Speaker at Las Pinas Lone Dist. Congresswoman Camille A. Villar ang House Resolution No. 900 sa Kamara de Representantes na humikayat din sa ibang “concerned agencies” para agad na aksiyunan ang naturang nakaka-alarmang issue.

Sinabi ni Villar na masyado aniyang nakakabahala ang napa-ulat na pagbaba o pag-decline ng “mental health” ng mga mag-aaral na lalo pang pinalubha noong kasagsagan ng pandemiya dahil ang karamihan sa mga estudyante ay nasa loob lamang ng kani-kanilang tahanan.

Ipinaliwanag ni Villar na kailangan ng manghimasok ang mga “concerned agencies” o mga ahensiya ng pamahalaan na makakatulong para masolusyunan ang nasabing problema. Sapagkat lumalabas sa mga pag-aaral na lalong tumataas ang bilang ng suicide cases ng mga estudyante.

Iminungkahi din ng kongresista sa administrasyong Marcos, Jr. na napakahalagang magkaroon ng isang komprehensibong pag-aaral kaugnay sa nasabing isyu sa pamamagitan ng Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd) at Philippine Statistics Authority (PSA).

“There is a need to conduct an in-depth assessment of and comprehensive study by relevant government agencies. Such as the Department of Health, Department of Education and the Philippine Statistics Authority on the present state of mental health of the country’s education,” sabi ni Villar.

Binigyang diin ni Villar na nakakabahala ang inilabas na datos ng DepEd na umabot sa mahigit 400 suicide cases ang naganap noong 2021 hanggang 2022 habang ang Pilipinas ay nasa kasagsagan ng pandemiya.