Kongresista imunungkahi ang pagbubuwag sa MMDA

Mar Rodriguez Feb 28, 2023
234 Views

IMINUMUNGKAHI ng isang kongresista para sa pagbubuwag ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at magtatag na lamang ng Council of Mayors sa National Capitol Region (NCR) sapagkat sinasaklaw na umano ng MMDA ang trabaho at tungkulin ng mga Metro Manila Mayors.

Sa pamamagitan ng kaniyang privilege speech sa Plenaryo ng Kamara de Representantes, inilahad ni Manila 3rd Dist. Congressman Joel R. Chua ang pagbubuwag sa MMDA. Sa halip ay magtatag na lamgn ng isang Konseho na bubuuin ng lahat ng Metro Manila Mayors.

Binigyang diin ni Chua na ang pagbubuwag sa MMDA ay makakatulong din ng malaki sa “National Government Rightsizing Program” na isinusulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang makatipid ang pamahalaan mula sa napalaking gastusin na hindi naman kinakailangan.

Sinabi ni Chua na halos pinanghihimasukan na aniya ng MMDA ang trabaho, tungkulin at jurisdiction ng mga Metro Manila Mayors o Local Government Units (LGU’s) partikular na ang National government. Kung saan, nilalabag din ng nasabing ahensiya ang itinatakda ng Local Government Code.

Ayon kay Chua, nagiging duplication na umano ng MMDA ang tungkulin at papel ng iba’t-ibang national agencies. Bukod pa umano ang napaka-laking budget na ginugugol ng pamahalaan para sa MMDA. Subalit binigyang diin ng mambabatas na wala naman itong nagagawang proyekto.

Binanggit din ng Manila solon ang inilabas nadesisyon ng Korte Suprema na wala umanong tinatawag na “pólice power” o “legislative power” ang MMDA. Kung kaya’t maituturing aniya na isang paglabag ang ginagawa nilang “clearing operation” alinsunod sa naging desisyon ng Mataas na Hukuman.

“The Supreme Court (SC) had long settled that MMDA has no legislative nor police power. The MMDA has been disrupting the lives of Manila residents through MMDA operations involving demolitions of homes, clearing of roads and sidewalks and traffic management and enforcement,” ayon kay Chua.

Ikinatuwiran pa ng mambabatas na ang tinatawag na “Metro-wide concerns, issues at sitwasyon ay kayang-kaya ng tugunan ng Council of NCR Mayors na hindi na kailangan pang dumaan sa MMDA.