Madrona

Kongresista naniniwalang malaki ang benepisyong maibibigay ng Maharlika Investment Fund      

Mar Rodriguez Dec 13, 2022
218 Views

NANINIWALA ang isang beteranong kongresista na malaki ang maitutulong at benepisyong maibibigay ng kontrobersiyal na “Maharlika Investment Fund” kaya mahigpit nitong sinusuportahan ang isinusulong na panukalang batas kaugnay sa nasabing usapin.

Binigyang diin ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na sa gitna ng kabi-kabilang batikos na inaani ng Maharlika Investment Fund ay mahigpit parin niya itong pinapaboran at sinusuportahan.

Ikinatuwiran ni Madrona na ang pangunahing makikinabang sa Maharlika Investment Fund ay ang mga mahihirap na probinsiya tulad ng kaniyang lalawigan (Romblon) na hindi nabibigyang halaga ng mga investment kaya mailap ang pag-unlad sa kanilang lugar.

Ipinahayag din ni Madrona na kaya lamang maraming sektor ang kumokontra sa panukalang batas kaugnay sa Maharlika Investment Fund ay dahil hindi pa nila nakikita at nababasa ang kabuuang nilalaman nito na makakatulong ng malaki para sa nakararaming mamamayan.

“Napakalaki ng benepisyong maibibigay ng Maharlika Investment Fund. Dahil lalo na kaming mga pulubing probinsiya kami ang makaka-benefit nito. Kasi alam niyo naman kapag pulubi ang isang probinsiya, hindi nabibigyan ng halaga ng mga investments,” sabi ni Madrona.

Ayon pa sa mambabatas, kung mauunawaan lamang ng mga kumokontra sa Maharlika Investment Fund ang totoong layunin nito. Dito nila maiintindihan na malaking benepisyo ang maibibigay nito para sa mga lalawigan na napapag-iwanan ng pag-unlad.