Calendar
Kongresista: Paggabay sa anak paigtingin, family bonding patibayin
NANANAWAGAN si Zambales Rep. Doris “Nanay Bing” Maniquiz sa mga magulang na paigtingin ang paggabay sa mga anak nila at patibayin ang “family bonding” sa loob ng pamilya.
Para kay Maniquiz, ang pagpapaigting ng tamang paggabay ng mga magulang ay para masubaybayan ng husto ang kanilang mga anak at huwag masangkot sa mga karahasan katulad ng kinasangkutan ng dalawang estudyante ng San Jose National High School (SJNHS) sa Tacloban City.
Sabi ng kongresista na dahil sa pag-usbong ng modernong teknolohiya, nalusaw ang dating masayang family bonding sapagkat dahil sa mga gadgets, ang mga bata ay nagmistulang “may sariling mundo.”
“Higit sa lahat, nananawagan tao sa mga magulang na muling paigtingin ang kanilang paggabay sa kanilang mga anak. Ibalik natin ang simple ngunit mahalagang usapan sa hapag kainan. Mahalaga na magkaroon tayo ng panahon sa ating mga anak,” sabi niya.
Iginigiit ni Maniquiz na hindi kinakailangang sang-ayunan ng isang pamilya ang “modern trend” sa kanilang mga anak na parating nakahawak sa kanilang mga gadgets dahil maaari parin nilang ipatupad ang “no gadgets policy” sa loob ng pamilya kapag nasa hapag kainan.

