Martin

Kongreso inaprubahan bill para bigyan proteksyon nagtatrabaho sa TV, showbiz

Mar Rodriguez Feb 6, 2023
343 Views

INAPRUBAHAN na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na isinulong ng 1-PACMAN Party List Group na naglalayong mabigyan ng kaukulang proteksiyon ang mga nagta-trabaho sa industriya ng pelikula at telebisyon.

Ito ang inihayag ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na matapos makalikom ng majority vote mula sa mga kongresista ay inaprubahan na ang House Bill No. 1270 na inakda ni 1-PACMAN Party List Cong. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang HB No. 1270 ay kikilalanin na ngayon bilang “Eddie Garcia Act” na magsisilbing proteksiyon ng libo-libong manggagawa sa entertainment industry na ibinatay naman sa aksidenteng kinasapitan ng namayapang aktor na si Eddie “Manoy” Garcia.

Ipinaliwanag ng House Speaker na ang panukalang batas ni Romero ay hindi lamang sasaklaw sa pagkakaroon ng ligtas na “working place para sa mga manggagawa ng pelikula at telebisyon. Kundi ang pagbibigay narin sa kanila ng proteksiyon laban sa iba’t-ibang uri ng pang-aabuso.

“It would ensure that they continue to have gainful employment and protect them against abuse, harassment, dangerous working environment and exploitation,” paliwanag ni Speaker Romualdez.

Isinulong ni Romero ang House Bill No. 1270 para pangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa, artista at iba pang tauhan sa industriya ng pelikula sa pamamagitan ng pagkakaroon ng ligtas na “work place” o matiyak na ligtas ang location ng kanilang shooting.

Ipinaliwanag ni Romero na importanteng magkaroon ng “safe work place” para sa lahat ng mga tauhan sa entertainment industry kanilang na ang mga ordinaryong manggagawa upang maiwasan ang isang aksidente o trahedya habang sila’y nagsho-shooting.

Inihalimbawa ni Romero ang insidenteng nangyari sa veteran, multi-awarded actor at Film Director na si Eddie Garcia o Eduardo V. Garcia sa tunay na buhay. Kung saan, natisod ang aktor sa nakahambalang na kable habang nagso-shooting para GMA Network production.

Binigyang diin pa ni Romero na naiwasan sana ang kalunos-lunos na sinapit ni Garcia kung nuong una pa lamang aniya ay nagkaroon na ang tinatawag na “precautionary measures” para naiwasan ang nasabing aksidente.

Dahil dito, sinabi pa ng kongresista na nakapaloob sa kaniyang panukala na dapat maging “requirement” para sa lahat ng movie industry, TV Network at iba pang institusyon na magkaroon sila ng “safe workplace” upang maiwasan ang mga insidente katulad ng nangyari kay Eddie Garcia.

Ikinatuwiran pa ni Romero na ang kaligtasan at kapakanan ng mga artista, talents, crew at iba pang tauhan sa industriya ang kinakailangang maging pangunahing “priority” ng mga may-ari ng movie industry at TV networks. Sapagkat kung hindi sa kanila ay hindi kikita ang kanilang negosyo.