Pangilinan

Konsiderasyon para sa citizenship nina Boatwright, Ramos sinimulan ng Senado

21 Views

SINIMULAN ng Senado ang plenary consideration sa mga panukalang magbibigay ng Philippine citizenship kina basketball player Benny Francois Boatwright III at wrestler Matthew James Ramos, habang binuksan din ng ilang senador ang mas malawak na usapin kung dapat bang repasuhin ang dual citizenship law para sa mga taong may magulang na Pilipino.

Isinponsor ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang House Bill No. 6639 para kay Boatwright at House Bill No. 6644 para kay Ramos, at sinabing pinili ng dalawang atleta hindi lamang ang lumaban para sa Pilipinas kundi maging bahagi rin ng kuwento ng bansa.

“Pinili nila hindi lang lumaban para sa bandila natin, pinili rin nilang maging bahagi ng ating kwento bilang isang bansa,” ani Pangilinan.

Sinabi ni Pangilinan na maaaring nakabatay ang citizenship sa lugar ng kapanganakan o dugo, ngunit maaari rin itong makita sa pagpiling dalhin ang watawat ng Pilipinas nang may dangal.

“Citizenship is also defined by choosing to carry the Philippine flag with pride and honor before the world,” sabi niya.

Si Boatwright, isang 6-foot-10 basketball player mula Los Angeles, ay naglaro para sa San Miguel Beermen at tumulong sa koponan na makuha ang PBA Commissioner’s Cup. Ayon kay Pangilinan, makatutulong ang kanyang naturalization upang palakasin ang national basketball program, ipagtanggol ang Asian Games title ng bansa, at suportahan ang pangmatagalang layunin na makabalik ang Pilipinas sa Olympics.

Si Ramos naman ay isang wrestler na maraming karangalan at may dugong Pilipino sa panig ng kanyang ama na may ugat sa Pangasinan. Binanggit ni Pangilinan ang mga karangalan ni Ramos, kabilang ang pagiging runner-up sa 2023 NCAA Championships, Purdue University’s 60th All-American, two-time NCAA qualifier, two-time Big Ten place winner, 2022 U.S. Open champion sa 57-kilogram category, at 2018 Cadet World Champion sa 51-kilogram category.

“Like adobo, which is cooked differently in every region of the country, being Filipino comes in many forms. But whether in cooking, in sports, or in nationhood, what matters most is the heart, ang puso,” ani Pangilinan.

Nag-co-sponsor din si Senador Jose “Jinggoy” Estrada sa mga panukala, at sinabing kinikilala ng citizenship bills ang dedikasyon, talento at kagustuhan nina Boatwright at Ramos na katawanin ang Pilipinas sa international competitions.

Ayon kay Estrada, ang naturalization ni Boatwright ay magbibigay-daan upang makapaglaro siya para sa Gilas Pilipinas, habang nais naman ni Ramos na dalhin ang watawat ng Pilipinas sa international wrestling competitions.

Sinuportahan din ni Senadora Pia Cayetano ang mga panukala, at sinabing hiniling ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na ihain niya ang Boatwright bill bilang bahagi ng pagpapalakas sa national basketball program. Sinabi rin niya na si Ramos, na sinusuportahan ng Wrestling Association of the Philippines, ay may mataas na antas ng karanasan na makatutulong sa pagsasanay at paggabay sa Filipino wrestlers.

Nagpahayag din ng suporta si Senador Christopher “Bong” Go, at sinabing may kapangyarihan ang Kongreso sa ilalim ng Konstitusyon na magkaloob ng citizenship sa mga indibidwal na may ipinakitang merito, kakayahan at kagustuhang maglingkod sa sambayanang Pilipino.

Ayon kay Go, makatutulong si Boatwright sa pangangailangan ng national team para sa mas batang naturalized player, habang ang desisyon ni Ramos na katawanin ang Pilipinas ay maaaring makatulong sa pagpapaunlad ng wrestling at magbigay ng inspirasyon sa Filipino athletes.

Matapos ang sponsorship speeches, ginamit ni Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri ang kaso ni Ramos upang manawagan na repasuhin ang dual citizenship law.

“Kasi kung automatic na dapat kung iyong nanay mo o tatay mo ay Filipino, bakit pang dadaan sa ganitong proseso?” ani Zubiri.

Sinabi ni Zubiri na may nakilala siyang mga Pilipino sa ibang bansa habang nasa Japan na hindi nakapag-apply ng dual citizenship dahil sa cutoff date sa ilalim ng batas.

“I think it’s time that we revisit the law,” sabi niya.

Sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda, na siyang presiding officer, na susuportahan niya ang panukalang amyendahan ang dual citizenship law.

Hihintayin pa ng mga panukala ang susunod na aksyon ng Senado.