Calendar
Putukan sa Senado hiniling na imbestigahan ng patas, buo
SINABI ni Senate President Alan Peter Cayetano na hawak na ng pamahalaan ang CCTV footage ng insidente ng putukan sa Senado noong Mayo 13, habang nanawagan din sina Senadora Risa Hontiveros at Senador Raffy Tulfo ng buo at patas na imbestigasyon sa nangyari sa loob ng Senate complex.
Ayon kay Cayetano, nasa mataas na antas ng pagbabantay ang Senado bago ang insidente dahil sa mga ulat tungkol sa armadong tauhan at umano’y kakulangan sa koordinasyon. Sinabi niya na kailangang tingnan ang mga pangyayari sa paligid ng insidente sa pagsusuri sa warning shot na pinaputok, dahil dapat makipag-ugnayan muna ang law enforcers bago pumasok nang armado sa restricted areas.
“The circumstance is very important,” sabi ni Cayetano sa isang ambush interview.
Sinabi niya na nasa heightened caution na ang Senado noon dahil sa mga ulat tungkol sa armadong tauhan at magkakasalungat na impormasyon sa presensya ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation.
“We were on red alert if I can call it that way,” ani Cayetano.
Tiniyak din ni Cayetano sa publiko na na-secure na ang CCTV footage ng insidente.
“It’s not true na walang CCTV,” sabi ni Cayetano.
“As soon as Secretary Jonvic called me, iyon ang unang hiningi, to secure the CCTVs,” dagdag niya, na tumutukoy kay Interior Secretary Jonvic Remulla.
“Doon sa DOJ at Ombudsman, huwag silang mangamba na ma-tamper kasi hawak na ito ng government right after the incident,” ani Cayetano.
Sinabi ni Cayetano na dapat pang imbestigahan kung kakulangan lamang sa koordinasyon o may ibang dahilan sa naging kilos ng Government Service Insurance System at NBI kaugnay ng insidente sa Senado.
“Hindi kulang. Sinadya nila,” sabi ni Cayetano.
“At this point in time, the burden is on them to prove to us that it’s a series of coincidences,” dagdag niya.
Sinabi ni Cayetano na payag siya sa patas na imbestigasyon, ngunit kinuwestiyon niya kung maaaring magsagawa ng imbestigasyon ang Department of Justice at NBI kung ang kanilang sariling kilos ay kasama rin sa dapat suriin.
“Kung gusto mo mag-imbestiga, kailangan neutral ka,” sabi ni Cayetano.
“Basta patas payag kami, pero huwag naman yung gagawa ng storya, tapos kami pa ang kontrabida sa huli,” dagdag niya.
Ayon kay Cayetano, maaaring mapunta sa Blue Ribbon Committee ang usapin sa ilalim ng rules ng Senado, lalo na kung kabilang sa imbestigasyon ang naging kilos ng NBI sa insidente.
Ang Blue Ribbon Committee, na pormal na tinatawag na Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigations, ay maaaring magpatawag ng mga opisyal, magsuri ng mga dokumento, tumingin sa security footage at kumuha ng testimonya kung irerefer sa komite ang usapin.
Maaaring silipin ng komite ang posibleng kakulangan sa koordinasyon, pagpapatupad ng security protocols sa Senado, chain of decisions bago at pagkatapos ng insidente, at pananagutan ng mga opisyal o tauhang maaaring masuri ang naging kilos.
Hiwalay namang nanawagan si Hontiveros sa mga imbestigador na alamin kung sino ang nagsimula at nagpaigting sa insidente, at kung sino ang unang nagpaputok ng baril.
“Sino ba ang nagpasimula ng ganyang sitwasyon? Sino nagpa-escalate? Sino ang unang bumaril para mag-degenerate ang sitwasyon na iyan so rapidly and so badly?” sabi ni Hontiveros.
Ayon sa senadora, ang insidente ay “could and should have been prevented,” kasabay ng pagbanggit sa mga naunang kaso nina dating Senate President Juan Ponce Enrile, dating Senadora Leila de Lima at dating Senador Sonny Trillanes, na aniya ay humarap sa warrant sa mapayapa at marangal na paraan.
“Silang lahat ay humarap in a dignified and peaceful way. At yung mga liderato ng Senado, noong mga panahong iyon ay nagbigay daan din sa isang mapayapa at dignified na proseso,” ani Hontiveros.
Sinabi ni Hontiveros na dapat sinunod ng Senado ang mga naunang halimbawa sa halip na hayaang lumala ang pangyayari.
“Kung ginaya ang tatlong dating mga senador, kung ginaya ang dating mga liderato ng Senado, hinding-hindi nangyari ang mga ito na ang minamahal naming Senado, ang mahabang panahong ginagalang na Senado ay ginawang parang firing range lamang,” dagdag niya.
Muli ring nanawagan si Hontiveros kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na harapin nang maayos ang usapin ng kanyang warrant, sabay sabing hindi dapat umasta ang mga mambabatas na tila mas mataas sila sa batas.
Pinabulaanan din ni Hontiveros ang mga pahayag na umalis ang minority senators bago natapos ang session, at sinabing limang senador ang nanatili hanggang adjournment: sina Senators Vicente “Tito” Sotto III, Sherwin Gatchalian at Hontiveros mula sa minority, at sina Senator Jose “Jinggoy” Estrada at Senate President Pro Tempore Loren Legarda mula sa majority.
Pinuri rin ni Hontiveros ang coverage ng media sa insidente, at sinabing nakatulong ito upang malinaw na makita ng publiko kung sino ang nanatili hanggang sa adjournment ng session at kung ano ang sumunod na nangyari.
Samantala, nanawagan si Tulfo ng malinaw, bukas at patas na imbestigasyon sa insidente ng putukan, at sinabing hindi dapat tumigil ang pananagutan sa Senate security personnel kung matutukoy ng imbestigasyon na may iba pang indibidwal o ahensiya na nagkaroon ng pagkukulang o lumabag sa protocols.
Dumagdag ang panawagan ni Tulfo sa mga pahayag ng mga senador na dapat malinaw na matukoy ng imbestigasyon ang buong pagkakasunod-sunod ng pangyayari, kabilang ang papel ng Senate security at ng anumang law enforcement personnel mula sa labas ng Senado na sangkot sa kaguluhan.
Naganap ang insidente kasunod ng tensyon sa Senado kaugnay ng napaulat na posibleng pag-aresto kay Dela Rosa. Nangyari rin ito ilang araw bago pormal na nagtipon ang Senado bilang impeachment court para sa proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
