BBM2

Kontribusyon ni Toots Ople kinilala ni PBBM

149 Views

KINILALA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kontribusyon ng namayapang si Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFW).

Sinabi ni Pangulong Marcos na si Ople ang perpektong halimbawa ng totoong bayani dahil siya ay nag-alay ng kanyang buhay para sa kapakanan ng kanyang mga kapwa Pilipino.

“We must mention a dear and departed friend who we can only describe as well as a hero and that is our good friend who we just lost, Secretary Toots Ople. And she is a perfect example of what true heroism can be. She tirelessly dedicated the better part of her life to promote the welfare of our modern-day heroes,” ani Pangulong Marcos.

Si Ople ay pumanaw noong Agosto 22 sa edad na 61.

Ang pagkilala kay Ople ay bahagi ng mensahe ni Pangulong Marcos para sa National Heroes Day.

Kinilala rin ng Pangulo ang kabayanihan ng isang lineman sa Bacolod City na sinuong ang panganib na dala ng bagong Egay upang maiayos ang mga sirang kable na naglalagay sa panganib sa buhay ng mga residente sa lugar.

Gayundin ang isang magsasaka na siniguro na makaliligtas ang kanyang mga pananim sa masamang panahon.

Kinilala rin ng Pangulo ang isang guro na hindi lamang naging isang mabuting guro kundi multi-tasker sa iba’t ibang aktibidad. Nabanggit din nito ang guro na tumulong sa kanyang matandang kapitbahay sa gitna ng panganib ng wildfire sa Maui, Hawaii.

Binanggit din ng Pangulo ang mga OFW na nagsisilbing haligi ng ekonomiya ng bansa dahil sa kanilang remittance.

“We shall not take their heroism for granted. We will not spare ourselves of the moral duty to perpetuate the ideals that they have fought for, and to rectify the unsafe, inequitable, or exceptionally difficult conditions that necessitated their selfless deeds,” ani Pangulong Marcos.

“Failing in our duty, their sacrifices would have been all in vain. Collectively, their heroic acts, small or large, go a long way and make our country and the world a better place. To them, we once again earnestly dedicate this special day,” dagdag pa ng Pangulo.

Hinimok din ng Pangulo ang mga Pilipino na gunitain ang kabayanihan ng mga nakipaglaban para sa kalayaan ng bansa.