covid

Kooperasyon panawagan para maglaho ang COVID

328 Views

UMAASA si Senator Christopher “Bong” Go na tuluyang bababa na ang daily new cases ng magkaka-COVID-19 sa ating bansa kung patuloy ang pakikipagkooperasyon ng mamamayan, makaraang iulat.ng.Malacañang nitong February 15 na ang Pilipinas ay na-reclassified bilang low-risk for COVID-19.

“Kung ma-rerelax natin ang mga restrictions at ibang protocols, inaasahan natin na mas maraming sektor ng ekonomiya ang mabubuksan. Mas marami sa ating mga kababayan ang makakapaghanapbuhay at makakabalik sa kanilang mga trabaho muli. Ibig sabihin, mas maraming pamilya ang makabangon mula sa hirap na dulot ng pandemya,” paliwanag ng mambabatas.

“Subalit dahan-dahan nating gawin ito. Maingat nating balansehin ang buhay at kabuhayan ng mga Pilipino. Huwag nating biglaing buksan lahat at mahihirapan na naman ang ating healthcare system. Ayaw nating mag-back to zero tayo,” babala pa niya.

Nitong February 15, inihayag ni Go na ang Department of Health ay nakapagtala ng 2,010 new cases na siyang pinakamababang tala ngayong taon.

“Bagama’t hindi pa naman natin sinasabi na ito ay downward trend na, nakita naman natin ang magagandang resulta ng halos dalawang taon nating sakripisyo habang nakikipaglaban sa pandemya,” saad ni Go.

“Umaasa ako na patuloy pang bababa ang mga kaso ng COVID-19 kung mas marami pang kababayan natin ang mababakunahan,” dagdag pa niya.

Sa press briefing ay inihayag sa media ni Acting Presidential Spokesperson and Cabinet Secretary Karlo Nograles na ang Pilipinas ay ikinokonsiderang low risk for COVID-19 dahil sa tuluy-tuloy na pagbaba ng.mga bagong kaso. Iniulat ng DOH na ang average daily case count ngayong linggo ay 56% na mas mababa ng nagdaang linggo.

Nabanggit din ni Nograles na ang pandemic’s acute phase ay maaaring magtapos ngayong taon sa kundisyong 70% ng population ay fully vaccinated na sa kalagitnaan ng taong 2022. Tiniyak ng opisyal na ang gobyerno ay mananatili sa hangaring mabakunahan ang 90 milyong Filipino bago matapos ang termino ni President Rodrigo Duterte.

Nitong February 15, ang bansa ay nakapagsagawa na ng kabuuang 132.4 milyong doses ng vaccines. Tinatayang 61.83 milyong Filipino ang fully vaccinated na at 61.83 milyon ang nabigyan na ng first dose. May kabuuang 9.26 milyon booster shots ang naisagawa sa buong bansa. Ang Pilipinas ay tumanggap ng kabuuang
223,229,820 vaccines.