Koreano

Koreano na wanted sa panloloko, hinahanting ng Interpol, huli sa Pampanga

Bernard Galang Sep 14, 2025
340 Views

CAMP OLIVAS, Lungsod ng San Fernando, Pampanga — Naaresto sa Pampanga noong Biyernes ang isang Korean national na wanted sa kasong panloloko sa kanyang sariling bansa, sa isa na namang matagumpay na operasyon ng Police Regional Office 3 (PRO3).

Kinilala ang suspek na si alyas Ha, 48, na nahaharap sa kasong paglabag sa Article 347(1) ng Korean Criminal Act (Fraud). Itinuturing din siya bilang isang “undesirable alien.”

Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Fugitive Search Unit–Bureau of Immigration (FSU-BID), Field Legal Service–Regional Intelligence Division 3 (FLS-RID3), San Fernando City Police, at Pampanga PPO.

Nag-ugat ang operasyon mula sa isang Interpol notice na ipinadala sa RID3, na naging batayan para sa paglalabas ng mission order at paghahanda ng Target Intelligence Packet (TIP). Matapos sumailalim sa medikal na eksaminasyon, pansamantalang inilagak si Ha sa kustodiya ng San Fernando City Police.

Pinuri ni PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio I. Peñones Jr. ang operasyon at binigyang-diin na ito ay patunay ng bisa ng pinalakas at intelligence-driven na policing sa Gitnang Luzon.

“Muli na namang ipinakita ng operasyong ito ang kahalagahan ng tumpak na impormasyon at matatag na pagtutulungan ng mga ahensya upang maihatid sa hustisya ang mga pugante,” ani Peñones.

Dagdag pa niya, nakaayon ang operasyon sa 7 Focus Agenda ng Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., partikular sa pagpapalakas ng law enforcement at pagpapatatag ng tiwala ng publiko.

Ang pagkakaaresto kay Ha ay muling nagpapatibay sa paninindigan ng PRO3 na paigtingin ang intelligence-based operations upang matiyak na walang pugante ang makakatakas sa hustisya habang nasa Pilipinas.