Koreano

Koreano ninakawan ng 2 kapwa Koreano, tiklo

Edd Reyes Nov 11, 2024
94 Views

WALANG utang na loob.”
Ganito isinalarawan ng pulisya ang natiklo na Korean national na kinupkop, pinatira at pinakain ng kababayan na kalaunan hinoldap niya umano kasama ang kasabwat sa Paranaque City.

Naaresto ng pulisya ang mga suspek na sina alyas Geon at kasabwat na si alyas Park ng bumalik pa sa condominium ng biktimang si alyas Changhyeon, 25.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang, kinupkop at pinatira pansamantala ni Changhyeon ang kababayang si Geon sa kanyang condominium sa Brgy. Tambo, bunga ng kawalan ng trabaho, matutuluyan at makakain.

Noong Sabado palihim na pinapasok ni Geon ang kasabuwat na si Park sa unit ng biktima, tinutukan ng patalim at kinuha ang P40,000 cash at cellphone pati na ang P100,000 na laman ng VIP hotel card na kanilang na-withdraw matapos puwersahang hingin ang PIN number.

Lunes ng alas-4:58 ng madaling araw nang bumalik sa unit ng biktima si Geon upang limasin pa ang natitirang salapi ng kababayan pero nakapuslit palabas si Changhyeon at nakapagsumbong sa mga tauhan ng Police Sub-Station 2 ng Paranaque police na dahilan para maaresto ang suspek habang naghahalughog pa sa loob ng unit ng kababayan.

Naaresto si alyas Park sa follow-up operation at kapwa sila nahaharap ngayon sa mga kasong robbery, coercion, at grave threat sa Parañaque City Prosecutor’s Office.