Koreano Source: Bureau of Immigration

Koreano, Tsino arestado ng BI dahil sa scams

Jun I Legaspi Oct 4, 2025
179 Views

BILANG pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga ilegal na aktibidad ng mga dayuhang mamamayan, iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa isang Koreano at isang Tsino sa magkahiwalay na operasyon sa Pasay City noong Oktubre 2.

Ayon kay BI Fugitive Search Unit (FSU) Chief Rendel Ryan Sy, inaresto ang Korean national noong hapon ng Huwebes sa Newport Boulevard.

Siya ay may kinakaharap na mission order mula kay BI Commissioner Joel Anthony Viado matapos makatanggap ang ahensya ng mga reklamo kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa mga ilegal na investment scheme. Batay sa mga ulat, sangkot umano ang Koreano sa mga scam na biktima ang mga Pilipino at Koreano. Lumabas din sa rekord na dumating siya sa bansa noong Agosto 2024 ngunit nabigong mag-aplay ng visa, kaya’t itinuturing siyang overstaying alien.

Sa hiwalay na operasyon sa parehong lugar, kinumpirma ni Sy ang pagkakaaresto sa Chinese national. Inatasan din ni Commissioner Viado ang kanyang pag-aresto matapos makatanggap ng mga ulat ukol sa umano’y mga kriminal na aktibidad nito.

Batay sa opisyal na ulat, pinaghihinalaan ang Tsino na sangkot sa malawakang panlilinlang, scam, at extortion scheme. Ayon sa mga intelligence source, ginagamit umano niya ang tiwala ng mga kausap para sa pansariling pakinabang, gumagamit ng pekeng o nakaw na pagkakakilanlan sa mga pandaraya, at sinasabing sangkot sa mga modus na kinasasangkutan ng mga Pilipinang babae.

Iniulat din na madalas ang Tsino sa mga VIP room ng casino kung saan nagpapakilalang ahente upang makakuha ng sensitibong impormasyon mula sa mga customer para sa ilegal na layunin.

Dagdag pa ng mga law enforcement source, posibleng may kaugnayan ang dayuhan sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot at sa mga organisadong grupo na sangkot sa kidnapping, sindikato ng droga, at prostitusyon sa Metro Manila.

Batay sa paunang beripikasyon sa database ng BI, huling pumasok sa bansa ang Tsino noong 2019, ngunit ang huling extension ng kanyang pananatili ay hanggang 2020 lamang, kaya’t itinuturing din siyang overstaying alien.

Binigyang-diin ni Commissioner Viado na ang mga pag-aresto ay patunay ng matatag na paninindigan ng pamahalaan laban sa mga dayuhang umaabuso sa kagandahang-loob ng Pilipinas.

“Tinutugunan natin ang panawagan ng Pangulo na linisin ang bansa mula sa mga dayuhang mamamayang nagsasamantala sa ating mga kababayan at sangkot sa mga ilegal na gawain,” ani Viado.

“Patuloy na makikipagtulungan ang Bureau of Immigration sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas upang matiyak na hindi makakakilos ang mga ilegal na dayuhan sa ating bansa,” dagdag pa niya.