Contractor

Kotse ng contractor sa Olongapo City biniktima ng Basag Kotse Gang

Bernard Galang Dec 7, 2025
350 Views

ISANG insidente ng “basag-kotse” ang naiulat sa Barangay East Tapinac, Olongapo City, matapos madiskubre ng isang lalaki na nasira ang kanyang sasakyan at ninakaw ang mga personal na gamit sa loob nito.

Sa ulat kay Police Regional Office 3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., kinilala ng Olongapo City police ang 58-anyos na complainant na isang contractor at residente ng Brgy. East Tapinac.

Ayon sa biktima, ipinarada niya ang kanyang Toyota Wigo dakong alas-2 ng madaling-araw sa parking area ng Juvill Apartelle sa nasabing barangay.

Pagbalik niya sa parking lot kinaumagahan bandang alas-9 ng umaga, nakita niyang basag na ang kaliwang likurang bintana ng kanyang sasakyan, at nadiskubreng nawawala ang kanyang itim na shoulder bag na naglalaman ng passbook, iba’t ibang dokumento at ilang susi.

Base sa CCTV footage, bandang alas-4:15 ng umaga, isang lalaki ang nakitang palakad-lakad malapit sa sasakyan bago binasag ang likurang bintana at tinangay ang bag na nasa loob ng sasakyan bago tumakas.

Patuloy na nagsasagawa ng masusing pagsusuri sa CCTV footage ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.