Calendar

Kuha ng tinagong plaka ipinasa sa LTO ng MMDA
IPINASA na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Office (LTO) ang mga kuha at dokumento ng mga motoristang sinasadyang takpan, itago at i-tamper ang kanilang plaka upang makaiwas sa Non-Contact Apprehension Policy (NCAP).
Pinangunahan ni MMDA Special Operations Group Strike Force head Gabriel Go bilang kinatawan ni Chairman Atty. Don Artes ang pag-eendorso sa mga gumagawa ng Takip-Plaka na hindi lang nahagip ng kuha ng NCAP kundi maging ang mga nai-post sa social media.
Ayon kay Go, mahigit 50 mga motorista ang posibleng maharap sa kasong kriminal dahil sa sinasadyang pagkukubli ng kanilang plaka.
Sa loob lamang aniya ng isang linggong implementasyon ng NCAP, 90% na ang mga motorista, na karamiha’y motorsiklo, ang nahuling tinatakpan ang kanilang plaka
“Chairman Artes ordered our field personnel to physically apprehend and to issue citation tickets to vehicles with concealed license plates immediately.
The MMDA continuously monitors traffic situations using CCTV cameras at our MMDA Communication and Command Center,” dagdag pa ni Go.
Tiniyak naman ni LTO Executive Director Greg Pua Jr. na kaagad nilang padadalhan ng show cause orders ang mga lumabag na motorista kasabay ng banta na mapapatawan sila ng parusang pagkabilanggo ng mula anim na buwan at isang araw hanggang dalawang taon o pagbabayad ng hindi hihigit sa P10,000, na nakasaad sa ilalim ng Article II Section 12 ng R..A. 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Act.
Hihingin din ng LTO ang tulong ng Anti-Cybercrime Group at iba pang ahensya na nagpapatupad ng batas upang tugisin ang mga motoristang nagtataguyod ng maruming taktika sa social media at nagbebenta ng mga gamit na nakalaan upang itago ang detalye ng mga plaka ng sasakyan.
Hinimok din ng LTO at MMDA ang publiko na i-report ang ganitong uri ng masamang gawain upang kaagad nilang magawan ng hakbang.