Boga

Kung may baril ideklara sa PNP AVSEGROUP–OTS

Jun I Legaspi May 26, 2026
88 Views

PINAALALAHANAN ng Office for Transportation Security (OTS) ang mga pasaherong pang himpapawid na ideklara ang mga baril at katulad na bagay sa Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP) bilang pagtalima sa regulasyon sa civil aviation security.

Nkasabat ang mga Security Screening Officers (SSOs) ng walong undeclared training pistols mula sa checked baggage ng dalawang banyagang pasahero na patungong San Francisco sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong Mayo 21, 2026.

Natuklasan ang mga ipinagbabawal na bagay sa pamamagitan ng routine X-ray screening ni SSO Angela Yaguel na iniulat sa baggage inspector.

Sa pahintulot ng mga pasahero, isinagawa ang manual inspection na nagkumpirma sa presensya ng mga training pistols. Ang mga ito ay agad na isinailalim sa kustodiya ng PNP AVSEGROUP para sa tamang dokumentasyon.

Sa karagdagang beripikasyon, lumabas na ang mga pasahero ay US military personnel na hindi nakapagdeklara ng kinakailangang dokumento sa PNP Firearms Depository Booth.

Binigyang diin ni OTS Administrator Undersecretary Gilberto DC Cruz ang kahalagahan ng tamang paghawak at deklarasyon ng mga baril at katulad na bagay upang matiyak ang ligtas at maayos na operasyon sa paliparan.

“Kung kayo ay may dalang baril, bahagi ng baril, o katulad na bagay, siguraduhin na ito ay ideklara sa PNP Firearm Depository Booth bago ang inyong biyahe,” ani Usec. Cruz.