Calendar

Kung saan nagtagpo malikhaing galing at pamana ng Pilipino: LIKHA 4 bubuksan sa Hunyo sa paggunita ng Araw ng Kalayaan
PINANGUNGUNAHAN ng Tanggapan ng Unang Ginang Louise “Liza” Araneta-Marcos, muling ilulunsad ang LIKHA 4, isang masining at makabuluhang pagtitipon na nagbibigay-diin sa malikhaing galing, husay sa paggawa, at mayamang kultura ng mga Pilipino.
Gaganapin ang LIKHA 4 mula Hunyo 6 hanggang 8, 2025 sa Foro de Intramuros sa kahabaan ng Anda Street, Intramuros—bilang pangunahing tampok ng selebrasyon ng Araw ng Kalayaan ngayong taon.
Ngayon sa ika-apat nitong edisyon, ang LIKHA—na pinaikling “Likhaing Filipino”—ay nagsisilbing makulay na plataporma kung saan nagtitipon ang mga pinakamahusay na artisan, lokal na designer, at mga tagapagtaguyod ng pamanang kultura sa buong bansa.
Muling iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang matatag na suporta ng pamahalaan sa pagpapanatili ng mga katutubong kultura at tradisyon sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.
Ngayong taon, tampok sa LIKHA ang 30 bagong artisan na makakasama ng mga dating kalahok at batikang designer—isang pagsasanib ng tradisyonal na kasanayan at makabagong disenyo.
Hindi lamang ito isang eksibisyon; ang LIKHA ay isang kilusan para bigyang kapangyarihan ang mga lokal na artisan at pangalagaan ang kulturang Pilipino. Layunin nitong magbigay-inspirasyon sa pamamagitan ng pagdiriwang ng talino at katatagan ng malikhaing Pilipino.
Bukas ito sa publiko sa loob ng tatlong araw—walang kinakailangang pre-registration at tumatanggap ng walk-in visitors.
Inaanyayahan ang mga bisita na makipag-ugnayan sa mga artisan, masaksihan ang mga live demo, at makabili ng mga produktong likha sa kamay na mayaman sa kasaysayan at kultura.
Ang LIKHA ay isa ring espasyo ng pagtutulungan, kung saan nagkakaroon ng mentoring sa pagitan ng mga beterano at mga bagong talento—habang isinusulong ang sustainable na lokal na creative economy.
Bilang isang plataporma, layunin nitong mapanatili at maipasa ang mga kwento, teknik, at tradisyon sa mga susunod na henerasyon.
Inaanyayahan ng LIKHA 4 ang bawat Pilipino na tangkilikin ang sariling atin at makiisa sa pagpapanatili ng pamana ng kagalingang Pilipino—sa pamamagitan ng sining, pagtutulungan, at kulturang tunay na atin. | PND