Calendar
Kuntsabahan sa pagitan ng mga ninja cops at ninja informants ibinunyag ng House Committee on Dangerous Drugs
INIHAYAG ngayon ng isang Mindanao congressman na mayroong nangyayaring kuntsabahan sa pagitan ng mga tinaguriang “ninja cops” o mga tiwaling pulis at “ninja informants” kaugnay sa mga nakukumpiska at nasasabat na illegal na droga mula sa mga isinasagawang anti-drug operations.
Isiniwalat ni Surigao del Norte 2nd Dist. Congressman Robert Ace Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na ang modus-operandi ng mga “ninja cop” at “ninja informants” ay sa pamamagitan ng pagde-deklara lamang ng 30% sa bawat nasabat o nakumpiskang illegal drugs.
Bukod dito, sinabi pa ni Barbers na 70% naman ang nire-recycle para mai-convert bilang pera na siyang paghahatian naman ng mga tiwaling pulis at mga informants na kadalasan ay umaabot ng P500.000 hanggang isang milyon.
Ayon kay Barbers, sakaling totoo ang nakalap niyang impormasyon kaugnay sa nasabing modus operandi. Itinuturing nito bilang isang karumal dumal na gawain ang ganitong aktibidades ng mga “ninja cops” at “ninja informants” kabilang na ang iba pang tiwaling anti-drug law enforcements.
Nabatid pa sa kongresista na isang “long-time” informant ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at police ang mismong nagsiwalat patungkol sa pagre-recycle ng mga nakukumpiskang illegal na droga mula sa mga ikinakasang buy-bust operations na nangyayari sa loob ng 20 taon.
Ikinadismaya naman ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang modus operandi ng “ninja cops” at “ninja informants” na nagsabing hindi aniya talaga mapupuksa ang laganap na illegal na droga sa Pilipinas kung nagpapatuloy ang ganitong kalakaran.
Ipinaliwanag ni Madrona na kailangan talagang lagyan pa ng “pangil” ang umiiral na batas kaugnay sa anti-drug campaign ng pamahalaan upang mapasama dito ang mga tiwaling pulis at informants na nagsasabwatan para i-recycle ang mga nakukumpiskang illegal na droga.
Sinang-ayunan ng kongresista ang mungkahi ni Barbers na bumuo ng bagong batas o pag-aamiyenda sa Republic Act No. 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 upang maipakita na seryoso ang pamahalaan sa pagpuksa sa talamak na illegal drugs.
Ikinatuwiran pa ni Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na nakakasira aniya sa imahe ng Pilipinas ang talamak na bentahan ng illegal na droga sa bansa. Sapagkat sinisikap ng pamahalaan na mapaganda ang imahe nito sa harap ng mga dayuhang turista na bumibisita sa bansa.
“Puspusan ang ginagawa ng ating pamahalaan para mapaganda ang image ng Pilipinas sa mga foreign tourist na bumibista dito sa ating bansa. Masasayang ang mga efforts na ito kung hindi mapupuksa ang problema natin sa illegal drugs. Kailangan talaga maging mahigpit ang gobyerno laban sa bagay na ito,” paliwanag naman ni Madrona.