Kush SOURCE: Larawan mula sa FB/PNP (AVSEU NCR)

Kush mula US nakita sa 8 abandonadong parcel sa Pasay

27 Views

NASABAT ng mga awtoridad ang tinatayang ₱5.1 milyong halaga ng hinihinalang marijuana kush sa loob ng walong abandonadong parcel sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City nitong Mayo 11.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), nagmula umano sa Estados Unidos ang mga parcel at idineklarang ordinaryong personal items gaya ng damit, libro, at kalendaryo. Ngunit sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ang humigit-kumulang 3.4 kilo ng pinatuyong dahon ng hinihinalang marijuana kush.

Nadiskubre ang mga kontrabando matapos dumaan sa routine x-ray screening, K-9 inspection, at manual verification na isinagawa ng Aviation Security Group, Bureau of Customs, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Kalaunan ay kinumpirmang abandonado ang mga parcel at isinailalim na sa kustodiya ng PDEA para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang disposisyon.

Ayon kay Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., malaking tulong umano ang maayos na koordinasyon ng mga ahensya upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.

“Malaking bagay ang maagap na pagbabantay at maayos na koordinasyon ng ating mga operatiba at partner agencies. Sa ganitong paraan, napipigilan natin ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na droga na maaaring makasama sa ating mga komunidad,” ani Nartatez.