Taxi

Kuwaiti umiikot ng Maynila ng di nagbabayad ng pamasahe hinuli

293 Views

BINITBIT ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang 35-anyos na Kuwaiti na umano’y nag-iikot sa Metro Manila nang hindi nagbabayad ng pamasahe sa taxi sa Quezon City nitong Martes ng gabi.

Sa ulat ng Quezon City Police Dstrict (QCPD), dinakip ang 35-anyos na suspek matapos ireklamo ng 69-anyos na taxi driver na residente ng Sta. Cruz, Maynila.

Sinabi ng pulisya na pinakiusapan ng suspek ang driver na dalhin siya sa isang hotel sa Barangay Alabang sa Muntinlupa City ngunit pagdating sa establisyimento, sinabihan nito ang biktima na magpunta sila sa Cubao, Quezon City.

Nang makarating sila sa harap ng isang hotel sa kanto ng EDSA at Aurora Boulevard bandang alas-9:29 ng gabi, tumanggi ang suspek na bayaran ang kanyang pamasahe sa taxi na umabot sa libu-libong piso.

Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa, na nagtulak sa biktima na humingi ng tulong sa mga bystanders na nagreport sa pulisya at naaresto ang dayuhan.

Sa Cubao Police Station 7, natuklasan ng mga pulis na nabiktima rin ng suspek ang isa pang taxi driver na may kaparehong scam noong Oktubre 22.

Sa halip na magbayad, nagmatigas pa ang suspek at hindi iginalang ang mga pulis..

Bukod sa estafa, tinitingnan din ng pulisya ang mga kasong unjust vexation at disobedience to person in authority laban sa suspek.

Nagsasagawa ng background investigation ang pulisya sa suspek para malaman kung may iba pa itong criminal records.