La salle Tinangka ni La Salle’s Baby Jyne Soreño na makaiskor laban kay Ateneo’s Vanie Gandler sa kanilang laro sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon. UAAP photo

La Salle nakaisa sa Ateneo

Theodore Jurado May 6, 2022
352 Views

BUMANGON ang La Salle mula sa pagkatalo sa first set upang igupo ang fabled rival Ateneo, 22-25, 25-23, 25-18, 25-20, para sa magandang umpisa ng kanilang kampanya kagabi sa UAAP women’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena.

Opisyal na na-rebrand bilang mga Blue Eagles kahapon, nakuha ng three-time champions ang trangko sa opener bago kinapos nang gumawa ang Lady Spikers ng malaking adjustments sa attacking game sa sumunod na tatlong sets upang makuha ang unang panalo.

Samantala, binuksang University of Santo Tomas at National University ang season sa pamamagitan ng straight set victories upang magbigay ng senyales sa hangarin na makopo ang kampeonato.

Winalis ng Tigresses ang Far Eastern University, 25-23, 25-20, 25-21, habang nagposte ang Lady Bulldogs ng 25-15, 25-23, 25-18 paggapi sa Adamson.

Nalusutan ni Marionne Alba, isa sa mga holdovers ng La Salle mula sa 2019 roster, ang maagang struggles sa pagbibigay ng plays, kung saan nagningning sina Jolina dela Cruz, Thea Gagate at

Baby Jyne Soreño, kasama sina first-year players Alleiah Malaluan at Fifi Sharma, sa pagkamada ng puntos, at naging maganda rin ang pagdedepensa ng bola ni libero Justine Jazareno.

Tumapos ang energetic na si Soreño ng 17 points, kabilang ang tatlong blocks, habang nag-ambag si Malaluan ng 15 points, kabilang ang dalawang service aces, 15 digs at 11 receptions para sa Lady Spikers.

Tumipa sina Gagate at Sharma ng 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod, habang kumulekta si Jazareno ng 25 digs at 15 receptions para za La Salle.

Nanguna si Faith Nisperos para sa Ateneo na may 24 points, kabilang ang tatlong aces at dalawang blocks, nagdagdag si rookie Lyann de Guzman ng11 markers, at gumawa si libero Dani Ravena ng 23 digs at 11 receptions.

Nagsalansan si Eya Laure ng 14 points at siyam na digs habang umiskor si Camille Victoria ng 12 points para sa UST.

“Medyo shaky yung performance namin though nanalo naman. Pero yun nga, masyadong marami yung unforced errors namin na kailangan namin i-correct pero luckily nanalo nga kami ng straight sets,” sabi ni Tigresses coach Kungfu Reyes.

Nagbida si Alyssa Solomon para sa NU na may 15 points kabilang ang tatlong blocks, umiskor si dating high school MVP Mhicaela Belen ng 14 points habang nagtala si Cess Robles ng 12 points, walong digs at limangd receptions.

“Masaya kami dahil nakuha namin yung unang panalo pero marami pa kaming kailangan ayusin, marami pa yung kailangan naming i-improve so mahabang season,” sabi ni Lady Bulldogs coach Karl Dimaculangan.

“Pero mabilis lang yung tournament kaya siguro kailangan makapag-adjust din kami.”

Tumapos si Lycha Ebon ng siyam na puntos at anim na digs habang si Chenie Tagaod ay may apat na blocks para sa seven-point outing para sa Lady Tamaraws.

Nagtala naman si Lorene Toring ng walong puntos para sa Lady Falcons.