Lacson

Lacson: 16-botong impeachment threshold maaaring dalhin sa SC

22 Views

MAARI ng kuwestiyunin sa Korte Suprema ang 16-botong threshold para mahatulan si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial matapos linawin ng impeachment court na ito ay pasya ng korte at hindi lamang legal na opinyon, ayon kay Sen. Panfilo Lacson.

Ayon kay Lacson, luminaw ang usapin matapos sagutin ni Impeachment Court Presiding Officer Francis Escudero ang kanyang tanong kung kailangan ang hindi bababa sa 16 na boto ng mga senator-judge upang mahatulan ang Bise Presidente.

Ang justiciable controversy ay tumutukoy sa usaping maaaring dinggin at resolbahin ng korte.

Humingi si Lacson ng paglilinaw dahil marami ang nagtatanong kung ang 16-botong threshold ay legal na opinyon lamang ni Escudero o pasya ng impeachment court.

Sinabi rin niya na sang-ayon siya sa pananaw na kailangan ang 16 na boto dahil nananatiling may 24 na miyembro ang Senado sa ilalim ng ika-20 Kongreso.

“Hindi ako tutol, bagkus nakikiisa ako sa pananaw na dapat 16 talaga ang bilang sa ngayon dahil kahit may nakakulong at nagtatago, kasama pa rin sila sa bilang ng 24 senators under the 20th Congress,” ani Lacson.

Pinuri rin ni Lacson ang kanyang mga kapwa senator-judge sa pagpapanatili ng kahinahunan sa ikatlong araw ng impeachment trial sa kabila ng tinawag niyang paulit-ulit na “lectures” ng isang kasamahan mula nang magsimula ang paglilitis.

“Day 3: I commend my fellow senator-judges for keeping our cool and not engage a colleague who has been lecturing us since Day 1 of the impeachment trial, as if being not members of the bar, we will be less judicious in rendering fair judgment,” ani Lacson sa post sa X.