Nartatez2

Lacson binati si PNP chief Nartatez

133 Views

BINATI ni Senate President Pro Tempore at dating Philippine National Police chief Panfilo “Ping” M. Lacson si PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. sa pormal na paggawad sa kanya ng ikaapat na bituin, na ayon sa kanya ay matagal nang dapat naibigay.

Ayon kay Lacson, na namuno sa PNP mula 1999 hanggang 2001, nagsilbi noon bilang kanyang police aide-de-camp si Nartatez, at kapwa nila hinawakan ang parehong posisyon sa magkaibang panahon.

“Time really flies. Twenty-six years ago, four-star Police General Jose Melencio Nartatez Jr. was my police aide-de-camp when I had the same position and responsibility that he now carries. Truly proud of him,” ani Lacson sa kanyang post sa X.

Dagdag niya, naantala ang promosyon ni Nartatez dahil sa isyung inihain ng dating PNP chief na si Nicolas Torre III matapos ang pagtatalaga at panunumpa nito bilang general manager ng Metropolitan Manila Development Authority noong Disyembre.

Noong Miyerkules, pormal na iginawad kay Nartatez ang ikaapat na bituin at ang ranggong Police General, ang pinakamataas sa PNP. Tinuldukan nito ang ilang buwang sitwasyon kung saan hawak pa rin ni Torre ang ranggo kahit inalis na siya bilang PNP chief noong Agosto 2025.

Nauna nang sinabi ni Lacson na malalaking tungkulin ang kakaharapin ni Nartatez bilang hepe ng pulisya at binigyang-diin niya na nananatiling susi ang pamumuno sa pamamagitan ng halimbawa upang mapanatili ang disiplina sa hanay ng PNP.

“He knows my style as Chief PNP. And I hope he with the assistance and guidance of the Interior Secretary will help discipline the police force just as I did in going after the ICU—inept, corrupt and undisciplined police officers,” ani Lacson.