Calendar
Lacson walang moral na batayan para nakisali sa usapang parusahan si Bato
HINDI sasali si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson sa anumang posibleng rekomendasyon para parusahan si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa dahil sa matagal nitong pagliban sa mga sesyon ng Senado.
Ayon kay Lacson nitong Martes, wala siyang moral na batayan upang makilahok sa usapin dahil naranasan din niya noon ang katulad na sitwasyon.
“I will not be part of any recommendation to sanction him if it comes to that in relation to his long absence for one simple reason – I have no moral authority as I was in almost the same situation more than 15 years ago,” ani Lacson.
Sinabi ng senador na tinalakay niya ang posibleng mga hakbang kaugnay ng kaso ni Dela Rosa kasama si Senate President Vicente Sotto III, habang pinag-aaralan ng Senado kung paano tutugunan ang patuloy na pagliban ng senador mula pa noong Nobyembre 2025.
Binalikan ni Lacson ang sariling karanasan nang mapilitan siyang magtago mula 2010 hanggang 2011, kung saan inilarawan niya ang sarili bilang isang “fugitive from injustice,” matapos niyang tumangging sumuko sa mga paratang na aniya’y may kaugnayan sa krimeng hindi niya ginawa.
Kalaunan ay pinawalang-sala si Lacson ng Korte Suprema sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Si Dela Rosa naman ay nagtatago mula nang ipahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na naglabas ang International Criminal Court ng arrest warrant laban sa senador kaugnay ng mga kasong nag-ugat sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.

