Gatchalian

Lacson ikinumpara nakaraang Senate transitions sa huling sigalot sa liderato

94 Views

SINABI ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na karaniwang naging propesyonal ang mga nakaraang pagpapalit ng liderato sa Senado pati ang huling sigalot na nagtapos sa pagkakahalal kay Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate President.

Ayon kay Lacson, ilang beses na niyang nasaksihan ang pagpapalit ng liderato sa Senado kabilang ang mga transisyon na kinasangkutan nina dating Senate Presidents Franklin Drilon, Manny Villar, Juan Ponce Enrile, Aquilino “Koko” Pimentel III, Vicente “Tito” Sotto III, Francis “Chiz” Escudero, Alan Peter Cayetano at Gatchalian.

“STATESMEN ALL, EXCEPT ONE — I’ve seen the ‘changing of the guard’ in the Senate many, many times. Frank Drilon to Manny Villar in 2006; Manny Villar to Juan Ponce Enrile in 2008… Koko Pimentel to Tito Sotto in 2018… Chiz Escudero to Tito in September 2025; Tito to Alan Cayetano in May 2026; finally, to Sherwin Gatchalian on June 17, 2026. Save for the last one, everyone else relinquished their posts with exemplary statesmanship and professionalism,” ani Lacson sa X.

Inilabas niya ang pahayag matapos mahalal si Gatchalian bilang Senate President sa special session ng Senado noong Hunyo 17.

Nauna rito ang sigalot sa liderato matapos ang sesyon noong Hunyo 3 kung saan nahalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at acting Senate President.

Iginiit naman ni Cayetano na siya pa rin ang “legitimate, legal, and moral” Senate President at sumama sa ilang kasapi ng kanyang bloke sa paghahain ng petisyon sa Supreme Court upang kilalanin ang kanyang posisyon.

Ayon kay Lacson, naiiba ang huling sigalot sa mga naunang pagpapalit ng liderato sa Senado, na aniya’y naganap nang walang matagal na pampublikong pagtatalo sa liderato ng kapulungan.