Lacson Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson

Lacson kinuwestyon motibo ni Guteza

279 Views

KINUWESTIYON ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson kung ang mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay tunay na paghahabol sa hustisya o isa lamang sa mga “propaganda show” ni retired Marine Captain Orly Regala Guteza.

Matapos lumitaw ay biglang naglaho ang dating marino na nagbunyag ng diumano’y malalaking anomalya.

“Ang intention mo mag-propaganda lang diyan ka sa Blue Ribbon at mawala ka na,” ani Lacson, na iginiit na tanging Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman ang may kapangyarihang maghabla ng mga kasong katiwalian.

Si Guteza ay dating opisyal ng Philippine Marine Corps na umano’y nagsilbi ring security consultant ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi niyang nag-deliver siya ng mga maletang puno ng pera kina Co at dating Speaker Martin Romualdez.

Ipinakilala siya sa Blue Ribbon ni Senador Rodante Marcoleta sa pamamagitan umano ng dating kongresistang si Mike Defensor.

Nilinaw ng Philippine Navy na hindi na aktibong miyembro si Guteza at wala ito sa kustodiya ng Marines, habang inirekomenda na ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang imbestigasyon laban sa kanya dahil sa posibleng falsification ng kanyang affidavit.

Si Lacson, na siya ring inaasahang muling uupo bilang chairman ng Blue Ribbon Committee, ay nagsabing may mga puwang at pagkakasalungat sa mga pahayag ni Guteza.

“Parang gusto ko malaman sa kanya, sino ba talagang nagawa ng affidavit mo? Kasi nakita ko interview ni dating congressman Mike Defensor, katulong sila, sinasabi niya na they helped Guteza draft his affidavit,” pahayag niya.

“Hindi siya makapagtiwala sa Blue Ribbon, humarap man lang siya sa DOJ, humarap man lang siya sa Ombudsman kung ‘yan ang hangarin. So now anong isipin natin? Bakit Blue Ribbon lang at pagkatapos ng isang pagsipot nawala ka na?” dagdag ng senador.

Ayon pa kay Lacson, may problema na si Guteza sa batas.

“Mayroon na siyang problema sa prosecution service ng DOJ… mayroon nang resolution ang RTC na nagre-recommend na siya’y sumailalim sa preliminary investigation for falsification of documents,” ani Lacson.

Binigyang-diin ni Lacson ang kahalagahan ng pagtuon lamang sa katotohanan at hindi sa ingay ng politika.

“Let’s not be distracted by the presence of Mike Defensor, kung sino-sino man. Ako I’d rather stay focused on the issue at hand,” pahayag niya.