Calendar
Catapang binigyang-diin kahalagahan ng anniversary bonus sa mga empleyado
BINIGYANG-DIIN ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang kahalagahan ng pagbibigay ng anniversary bonus sa mga kwalipikadong opisyal at empleyado ng ahensya, dahil ito ay makatutulong nang malaki, lalo na sa mga naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at pagbaha na tumama sa bansa.
Ito ay kasunod ng kautusan ni Catapang na kanselahin ang social night na nakatakda sana sa Miyerkules bilang bahagi ng pagdiriwang sa kasipagan ng mga empleyado at pagpapatibay ng samahan, kabilang na ang inaabangang “BuCor’s Got Talent” na gaganapin sana sa Biyernes, bilang bahagi ng ika-120 anibersaryo ng pagkakatatag ng bureau.
Ito ay alinsunod sa panawagan ng Pangulo na iwasan ang magagarbong pagdiriwang ng Pasko bilang pakikiisa sa libo-libong Pilipinong nasalanta ng sunud-sunod na kalamidad.
Sa halip na mga kasayahan, sinabi ni Catapang na magpo-focus ang BuCor sa pagtulong sa komunidad sa pamamagitan ng mga misa at pangangalap ng donasyon—pera man o gamit—upang matulungan ang mga biktima ng mga nagdaang sakuna.
Ipinaliwanag din ni Catapang na inaprubahan niya ang rekomendasyon ni BuCor Deputy Director General for Administration Al Perreras, na binanggit ang Administrative Order No. 263, na inilabas noong 1996 at nilagdaan ni Ruben D. Torres, na nagbibigay-pahintulot sa pagbibigay ng Anniversary Bonus sa mga opisyal at empleyado ng mga national government agencies (NGAs), Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs), at Government Financial Institutions (GFIs).
“Malaking tulong ito para sa mga kawani ng BuCor na naapektuhan ng bagyo at baha, at para naman sa mga hindi naapektuhan, mayroon silang pagkakataon na makatulong sa kapwa nating Pilipino,” ani Catapang.
Sa kanyang rekomendasyon kay Catapang, sinabi ni Perreras, “Bilang bahagi ng makabuluhang okasyong ito na nagbibigay-pugay hindi lamang sa matatag na serbisyo ng institusyon kundi pati na rin sa walang sawang dedikasyon at pagkakaisa ng mga kawani, na sama-samang nag-aambag sa tagumpay at integridad ng Bureau, iginagalang na hinihiling ng Chief of the Finance Service ang pagbibigay ng anniversary bonus na hindi lalampas sa P3,000 sa lahat ng opisyal at empleyado ng BuCor na kwalipikadong tumanggap nito.”
Dagdag pa ni Perreras, pinahihintulutan ng pamahalaan ang mga institusyon nito na ipagdiwang at alalahanin ang kanilang mahahalagang anibersaryo sa pamamagitan ng tradisyunal na pagbibigay ng anniversary bonus sa kanilang mga opisyal at empleyado—at bilang isa sa mga nasabing institusyon, kwalipikado rin ang Bureau of Corrections na ipagkaloob ang pribilehiyong ito alinsunod sa itinakdang mga patakaran.

