Calendar
Lacson nag-yes sa 2026 budget pero…
BUMOTO ng pabor si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson sa ratipikasyon ng ₱6.793-trilyong pambansang badyet para sa 2026 nitong Lunes, subalit nagpahayag siya ng matinding pagtutol sa ilang item na aniya’y maaaring magbukas ng pagkakataon para sa political patronage.
Inilahad ni Lacson ang kanyang posisyon sa kanyang manifestation kaugnay ng ratipikasyon ng ulat ng bicameral conference committee sa 2026 budget bill, na pinagsama ang magkaibang bersyon ng panukalang badyet na inaprubahan ng Senado at ng House of Representatives.
“For the first time in a long while, I am voting YES for the ratification of the bicameral report on the proposed national budget for 2026. HOWEVER, WITH THIS AFFIRMATIVE VOTE COMES A STRONG RESERVATION,” ani Lacson.
Partikular niyang tinukoy ang kanyang pagtutol sa mga pondong inilaan para sa Medical Assistance to Indigent and Financially-Incapacitated Patients (MAIFIP) at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), gayundin sa iba pang programang tulong-panlipunan o “ayuda” na aniya’y “discretionary and duplicative of institutionalized and rules-based programs, and other similar budget items that lack agency requests.”
“The national budget must not be a political tool or spoils for those in power. We deserve a budget that truly serves the people, free from political exploitation,” diin niya. “While we have made headway, the path forward remains extensive.”
Ayon kay Lacson, ang kanyang mga pagtutol ay nakabatay sa kakulangan umano ng matibay na legal na batayan ng ilang alokasyon ng pondo at sa kawalan ng malinaw na mga pananggalang laban sa pakikialam ng mga opisyal ng gobyerno, kandidato, o pulitiko sa pagpapatupad ng mga programa.
Tinukoy rin niya ang aniya’y “absence of institutional safeguards from the interference, influence, representation, whether directly or indirectly, of incumbent public officials, electoral candidates, politicians, or any of their representatives over any aspect of the programs’ implementation,” na aniya’y nagpapakita na hindi pa ganap na napoprotektahan ang badyet laban sa political patronage.
Ang 2026 national budget ay isa sa pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa at sumasaklaw sa pondo para sa serbisyong panlipunan, imprastraktura, kalusugan, edukasyon, at mga programang tulong. Matapos ang ratipikasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso, ipapadala ang panukala sa Tanggapan ng Pangulo para sa pagsusuri at posibleng paglagda bilang batas.
Sa kabila ng kanyang mga pagtutol, kinilala ni Lacson ang naging papel ng Senate Committee on Finance sa pagtalakay ng badyet. Sinabi niyang ito ay “for standing our ground in defending and crafting a reformed national budget for FY 2026.”
Binanggit din niya ang mas malawak na akses ng publiko sa mga dokumento at deliberasyon sa badyet, na aniya’y isang hakbang tungo sa mas mataas na antas ng pagsusuri at pananagutan. “For the first time in the history of our nation, the public was granted unrestricted access to the budget books and deliberations, ensuring the highest standard of scrutiny and moving beyond closed-door politics to a budget answerable to the people,” ani Lacson.

