Calendar
Source: Ping Lacson FB
Lacson nagbabala na ‘maleta boys’ posibleng gamitin para lumikha ng gulo sa Senado
NAGBABALA si Senador Panfilo “Ping” Lacson na maaaring gamitin ang isyu ng tinaguriang “18 maleta boys” upang lumikha ng kaguluhan sa Senado, habang nagpapatuloy ang mga alalahanin sa seguridad sa gitna ng sigalot sa liderato ng kapulungan.
Ayon kay Lacson, tinalakay niya ang usapin kay NBI Director Melvin Matibag matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa posibleng banta sa seguridad na may kaugnayan sa Senado.
Sinabi niya na isa sa mga ikinababahala ay ang posibleng paggamit sa 18 indibidwal sa isang sitwasyong maaaring magdulot ng kalituhan, lalo na kung haharap sila sa Senado, tatangging sumagot sa mga tanong, o ma-cite for contempt at ipaaresto.
“Halimbawa nag-appear ang 18 at sa pagsisinungaling o kaya hindi nag-attend, pina-cite for contempt. At pagkatapos in order na i-arrest,” sinabi ni Lacson.
“At pag nagkagulo-gulo, nagkaroon na naman ng putukan, you can just imagine the chaos at anarchy na mangyayari at pwede mag-trigger ito,” dagdag niya.
Sinabi niya na dapat tingnan ang isyu kasabay ng patuloy na protesta sa labas ng Senado at ang heightened alert status matapos makatanggap ang mga senador ng impormasyon hinggil sa banta sa seguridad.
Idinagdag niya na dapat iwasan ng Senado ang kalituhan kung sino ang maaaring pumasok sa gusali at kung sino ang maaaring magpasok ng bisita habang patuloy na bineberipika ng mga awtoridad ang ulat.
Sinabi ni Lacson na isa sa mga hakbang na tinalakay ay ang pansamantalang pagbabawal sa mga senador na magpasok ng mga bisita sa premises, habang pinapayagan pa rin ang mga awtorisadong indibidwal na pumasok at lumabas.
“At may prudence sa ’yan, i-heighten ang alert, bawal magpapasok muna mga senador ng bisita. Sabi pwede pumasok, ingress-egress pero bawal magpapasok ng bisita para check, masigurado na walang papasok ng masamang elemento,” sinabi niya.
Sinabi rin ng senador na maaaring lumikha ng maling impresyon sa hanay ng uniformed services kung ilalarawan ang 18 indibidwal bilang aktibo o lehitimong miyembro ng militar.
Nanawagan siya sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na manatiling mapanuri sa gitna ng umiiral na kalituhan.
“Kaya parang panawagan na rin ito sa armed forces natin sa PNP maging discerning sila,” sinabi ni Lacson.
Nilinaw niya na hindi niya kinukuwestiyon ang propesyonalismo ng uniformed services, ngunit nagbabala siya na maaaring magkaroon ng kalituhan kung may grupong susubok na samantalahin ang sitwasyon.
“Hindi ko sinasabing hindi sila professional pero in the middle of the confusion pwede akalain nila, kasamahan nila ang naandyan sa loob ng Senado,” sinabi ni Lacson.
Sinabi rin ni Lacson na dapat ipagpatuloy ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian ang pagbibigay ng malinaw na direktiba sa department heads at committee secretaries upang maiwasan ang kalituhan sa hanay ng mga empleyado ng Senado.
Ayon sa kanya, dapat sundin ng mga empleyado ang mga legal at opisyal na utos mula sa kinikilalang liderato ng Senado.
Dumating ang babala matapos magpahayag ng pag-aalala ang NBI hinggil sa posibleng banta sa seguridad ng Senado at matapos ipatupad ni Gatchalian ang work-from-home arrangement para sa mga empleyado habang isinasagawa ang mga kinakailangang security adjustments.
Iniuugnay ang “18 maleta boys” sa mga alegasyon hinggil sa paghahatid umano ng pera kaugnay ng imbestigasyon ng Senado sa umano’y iregularidad sa flood control projects. Ayon sa NBI, karamihan sa mga pahayag sa kanilang affidavit ay nakabatay lamang sa hearsay at hindi suportado ng sapat na ebidensya.
Nananatiling hindi pa nareresolba ang sigalot sa liderato ng Senado, ngunit sinabi ni Lacson na dapat manatiling maingat ang security officials at mga empleyado ng Senado habang patuloy pang sinusuri ang posibleng banta.

