Calendar
Abogado para sa pampublikong Interes: Hukuman, di Senado, tamang lugar para resolbahin kaso kaugnay ng flood control
IGINIIT ng isang abogado para sa pampublikong interes at karapatang pantao na ang mga usapin hinggil sa pananagutang kriminal na nagmumula sa nagpapatuloy na kontrobersiya sa mga proyektong flood control ay dapat resolbahin ng mga wastong hudisyal at quasi-hudisyal na institusyon, at hindi sa pamamagitan ng mga pagdinig ng lehislatura.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni abogado Antonio Zoleta Bucoy na iba ang layunin ng Senate Blue Ribbon Committee kumpara sa mga institusyong may tungkuling tukuyin ang pananagutang kriminal.
“Yun ay prosecution. Ito ho sa Senado, ay public hearing for oversight… saan nagkaroon ng kalokohan, saan nagkaroon ng anomalya, ano yung butas sa batas na dapat gawan ng legislation para maiwasto ang proseso para mapigil yung pangyayaring ito, para hindi na maulit ito. Subalit, kagaya ng aking nabanggit, may proseso nang tumatakbo sa Ombudsman. May proseso na.
So dapat bayaan lang natin yan na sumulong,” diin niya.
Binanggit ni Bucoy na ang mga alegasyon ng iregularidad sa mga proyekto ng flood control ay kasalukuyan nang dinidinig ng Tanggapan ng Ombudsman, na may kapangyarihang magsiyasat at magpasya kung dapat magsampa ng mga kasong kriminal.
Ayon sa kanya, ang pagkakaroon ng umiiral na proseso sa Ombudsman ay nagpapakita ng pangangailangang hayaan ang mga institusyong may legal na mandato na gampanan ang kanilang mga tungkulin nang walang panghihimasok o pag-uulit ng proseso.
“Ang problema lang diyan meron nang kaso na nasa Ombudsman. Yun yung proseso na wasto… na kung saan dapat talakayin ito. Ang problema diyan dahil sa meron nang nakabinbin na kaso sa Ombudsman—plunder, malversation in connection with the flood control—pag siya nagpakita doon, pwede hong makompromiso, pwede hong gumulo yung proseso sa Ombudsman,” dagdag niya.
Ipinaliwanag ni Bucoy na ang mga imbestigasyon ng Kongreso ay pangunahing isinasagawa upang makatulong sa pagbuo ng batas at magrekomenda ng mga repormang pampatakaran, samantalang ang pagtukoy sa pananagutang kriminal ay nasa hurisdiksiyon ng mga institusyon tulad ng Ombudsman at ng mga hukuman.
Kinuwestiyon din niya ang naging batayan ng precautionary hold departure order (PHDO) na nakuha ng Ombudsman laban kay dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ayon kay Bucoy, ang paglalabas ng PHDO ay dapat naaayon sa mga pamantayang itinakda ng Korte Suprema.
“Yang precautionary hold departure order ay pinapayagan naman dahil may administrative order ang Supreme Court patungkol diyan… Subalit pwede ang precautionary hold departure order ayon sa Korte Suprema, provided na meron nang preliminary investigation,” aniya.
Itinuro niya na batay sa mga pahayag ng mga opisyal ng Ombudsman, ang imbestigasyon kaugnay ng flood control ay nasa yugto pa lamang ng fact-finding.
“Sa kaso ni Speaker Romualdez, ayon sa mga balita na nanggagaling na mismo kay Ombudsman Remulla ay wala pa sila sa preliminary investigation stage. Nasa case build-up po sila, nasa fact-finding pa,” aniya.
“So ano yung naging batayan kung bakit, paano sila nagkaroon ng posisyon na makapag-apply ng precautionary hold departure order? Ang batayan niya sabi ng Supreme Court dapat may at least preliminary investigation, may preliminary finding. Bakit ho ganyan, bakit ganoon kahigpit?” tanong ni Bucoy.
Binigyang-diin niya na ang karapatang bumiyahe ay protektado ng Konstitusyon at maaari lamang limitahan sa mga malinaw at tiyak na pagkakataon.
“Ang karapatan na magbiyahe, the right to travel, ay protektado ng ating Saligang Batas. May mga exception gaya niyan, may kaso ka, tatakbo ka, hindi ka na babalik, you’re a flight risk. Yan ang exception to the rule. Kung wala iyan, it doesn’t fall under any of the exceptions, hindi nararapat na mag-issue ng precautionary hold departure order,” aniya.
Nanindigan si Bucoy na hindi dapat pinagbigyan ang kahilingan ng Ombudsman para sa isang PHDO sa kasalukuyang yugto ng proseso.
“Ang batayan, hindi pa hinog upang mag-apply ng precautionary hold departure order because hindi ito sang-ayon doon sa administrative order ng Kataas-taasang Hukuman. Sa ganoong banda ho, mali yung pagkaka-isyu,” pagtatapos niya.

