Calendar
Jeep nag-counterflow sa QC, operator may SCO
IPINATAWAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB ang operator ng pampasaherong jeep na nag-counterflow sa Quirino Highway sa Quezon City.
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg Pua Jr., naglabas na ang LTFRB ng show cause order (SCO) laban sa operator at nakatakda ang pagdinig sa kaso sa Setyembre 3.
Inatasan ang operator na magsumite ng written explanation kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang prangkisa ng jeepney niya dahil sa paglabag sa mga alituntunin sa kaligtasan sa kalsada.
Kabilang sa mga paglabag ang kabiguang magbigay ng ligtas at maayos na serbisyo sa mga commuter alinsunod sa mga kondisyon sa pagkakaloob ng Certificate of Public Convenience (CPC) at ang pagkuha ng isang reckless driver.
Ayon kay Pua, inilagay ng insidente sa panganib ang iba pang gumagamit ng kalsada.
“Nawa’y magsilbing malinaw na mensahe ang imbestigasyong ito sa mga PUV driver na hindi kukunsintihin ng LTFRB ang ganitong pag-uugali sa kalsada,” ani acting Chairman Pua.
Nagpasalamat ang LTFRB sa mga netizen sa pag-uulat ng mga PUV driver na lumalabag sa mga patakaran sa kalsada.
Hinimok ng LTFRB and sinuman na iulat ang mga ganitong insidente sa LTFRB Hotline 1342 at mga social media account ng ahensya.

