Senate1 Naglabasan sa Senado ang mga empleyado matapos ideklara ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian ang pag-lockdown sa gusali nitong Hunyo 10, 2026 dahil sa security threat. Ang mga empleyado ay inatasang mag-work from home mula Hunyo 10-11. 2026. Kuha ni JOSEPH MUEGO

WFH order ni Gatchalian ipinatupad sa gitna ng banta sa seguridad ng Senado

99 Views

IPINAG-UTOS ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian ang work-from-home (WFH) arrangement para sa mga empleyado ng Senado matapos iparating ng National Bureau of Investigation (NBI) ang impormasyon hinggil sa posibleng banta sa seguridad ng institusyon, habang sinabi ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na dapat sundin ng mga empleyado ang mga lehitimo at opisyal na utos mula sa lideratong pinamumunuan ni Gatchalian.

Sinabi ni Lacson na wala nang dapat maging kalituhan sa chain of command ng Senado, kasabay ng pagbanggit niya sa aniya’y pagkilala ng Civil Service Commission at iba pang awtoridad sa lideratong pinamumunuan ni Gatchalian.

“Maliwanag naman sa atin kung sinong kinikilala ng Malacañang, ng House of Representatives, ng Civil Service Commission, ng IBP, at kung ano-ano pang mga grupo—kung sino talaga ang kinikilalang liderato ng Senado,” sinabi ni Lacson sa isang panayam sa radyo.

“So maliwanag na panggulo ang ginagawa ni Senator Alan, with all due respect—nakaka-confuse, nakakagulo,” dagdag niya, patungkol kay Senador Alan Peter Cayetano, na nananatiling kuwestiyunado ang pag-angkin sa Senate presidency.

Inilabas ni Gatchalian ang WFH directive matapos ipabatid ni NBI Director Melvin Matibag sa mga senador ang impormasyon hinggil sa posibleng banta sa Senate premises.

Sinabi ni Gatchalian na dapat unahin ang kaligtasan ng mga senador at mga empleyado ng Senado, at gagawin ng liderato ang mga kinakailangang hakbang upang panatilihing ligtas ang kanilang pinagtatrabahuhan.

“The security and safety of all senators and all Senate employees is paramount. We will make sure that our work environment is safe and secure,” sinabi ni Gatchalian.

Hinigpitan ang seguridad sa Senado matapos ang babala. Pinauwi ang mga empleyado at ilang miyembro ng media, habang naglagay ng checkpoints malapit sa mga gate at nagsagawa ng inspeksyon ang security personnel sa mga sasakyang pumapasok sa compound.

Sinabi ni Lacson na patuloy na nakikipagpulong si Gatchalian sa mga department heads at committee secretaries upang ipaalala na tanging mga lehitimo at opisyal na utos lamang ang dapat sundin. Sinabi rin niya na poprotektahan ang mga empleyadong susunod sa lehitimong direktiba ng kasalukuyang liderato ng Senado.

Dumating ang usapin sa seguridad habang nagpapatuloy ang sigalot sa liderato ng Senado matapos ang mga pangyayari noong Hunyo 3, nang ideklara ng isang grupo ng mga senador na bakante ang lahat ng leadership positions at ihalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore, dahilan upang siya ang magsilbing acting Senate President.

Kinuwestiyon naman ni Cayetano ang impormasyon mula sa NBI at ang paraan ng pagpaparating nito, at sinabing dapat mabigyan ng briefing ang lahat ng senador kung ang banta ay may kinalaman sa institusyon.

Nananatiling hindi pa nareresolba ang sigalot sa liderato, ngunit sinabi ni Lacson na dapat magabayan ang mga empleyado ng mga lehitimo at opisyal na utos habang tinutugunan ng Senado ang babala sa seguridad.